Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Organ sale, lanterns, anteaters, odd jobs


Episode on November 17, 2007 Saturday, 8:30 p.m. Parol Mahigit isang buwan na lang at Pasko na. Kaya naman kaliwa’t kanan na ang bentahan ng mga Christmas decor, kasama na riyan ang mga parol. Sa Pilipinas, kilala ang Pampanga bilang “Lantern Capital of the Philippines". Ang probinsya raw kasi ang pasimuno sa paggawa ng parol. Nariyan ang ipinagmamalaki nilang Giant Lantern Festival. Talaga namang mapapahanga ka sa laki at ganda ng nagkikislapang lanterns na kasama sa parada. May gawa sa plastic, capiz at kung ibang pang mga materyales. Pero si Avelardo, naging inspirasyon niya ang kanyang taniman kaya naisipan niyang gumawa ng parol gawa sa dayami, dahon, at balat ng bungang-kahoy. Maging ang mga preso sa San Pablo, Laguna ay abala na rin sa paggawa ng parol. Nakadadagdag daw kasi ito sa kasiyahan ng parating na pasko, lalo na at dadalaw ang kanilang mga pamilya. Pero si Beth, tila mag-isang magdiriwang ng pasko. Mula kasi nang makulong siya, tatlong taon na ang nakalillipas, ni minsan ay hindi pa siya nadadalaw ng kanyang mga anak. At ang munting parol na ginagawa niya para sa kanila ay mukhang sa piitan din lang maisasabit. May pag-asa pa kayang magkita silang mag-iina? Organ donation Taong 1999 noong unang ibinalita ni Jessica Soho ang lanap na bentahan ng kidney sa Baseco, Manila. Dahil dito, nagkaroon ng mahigpit na polisiya kaugnay sa pagbebenta ng bato. Pero sa kabila nito, patuloy pa rin ang kalakaran. Sa isang lugar sa Montalban, Rizal, tila laganap ang bentahan ng kidneys. Kung dati, P80,000 hanggang P100,000 ang bentahan, ngayon, umaabot na ito sa hanggang P150,000. Dahil sa patuloy na bentahan ng bato, lumabas ang istorya sa CNN tungkol dito. Ayon sa report, gagamitin di-umano ang ganitong kalakaran para umunlad ang ating ekonomiya at kay Dr. Reynaldo Lesaca ng National Kidney and Trust Fund Institute o NKTFI pa raw mismo galing ang statement. Pero pinabulaanan ito ni Dr. Laseca, may proseso raw kasi sa pagdonate ng kidney at huwag dapat dumaan sa ahente. Si Justice Secretary Gonzales ay sumailalim sa sinasabing tamang proseso nang sumailalim siya kamakailan sa kidney transplant. At ang kanyang donor... ang driver niyang si Muroy. Balentong Mailap, makaliskis, mahaba ang dila at tila bolang gumugulong-gulong… ito ang balentong o anteater. Ang mga ito ay matatagpuan lamang sa mga bundok ng Palawan. Kaya naman ang mga katutubong Palaw’an ay sanay na sanay nang manghuli ng mga balentong. Hinuli nila ang mga ito hindi para alagaan, kung hindi ay para kainin. At kahit na mahigpit na ipinagbabawal, mabiling-mabili ito hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa. Kaya naman nanganganib na itong maubos. Tuluyan na nga kayang mawawala ang lahi ng ng mga Balentong sa Palawan? Odd jobs Ang mga Pinoy daw ay magaling dumiskarte. Kaya naman sa harap ng kahirapan, magugulat ka na lang sa mga kakaibang hanapbuhay na nagsusulputan. Si Mang Jerry, pati kadiring ipis, hinuhuli para ibenta. Dagdag kita naman daw para sa taxi dispatcher na si Alex ang pa lima-limang pisong bigay ng mga driver na nagpapagising sa kanya ‘pag oras na ng pasada. May iba namang bibiyahe pa mula probinsiya para lamang makabenta ng mga papag at upuang gawa sa rattan at kawayan. Si Gino, “yaya" ng pangarerang kabayo. Samantalang si Ricky,ang trabaho—ibaba ang kawayang haharang sa mga tumatawid sa riles ng tren. Silang lahat ay patunay lamang sa kakayahan ng tao na magsikap para patuloy na mabuhay.