Filtered By: Topstories
News

Batas vs cyber crime isinulong


Hiniling ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara nitong Sabado sa kanyang mga kapwa mambabatas na itulak ang pag-apruba sa panukalang batas na tutukoy sa mga tinatawag na cyber crime at pagbuo ng ahensyang hahabol sa mga cyber criminals. “Maybe the Boy Bastos website case is a good argument why we (lawmakers) should give priority on this (cyber crime) bill," ayon kay Angara sa text message sa GMANews.TV. Ang pahayag ay ginawa ni Angara matapos pakawalan ng awtoridad si Mark Verzo, ang itinuturong operator ng kontrobersyal na Internet porn site na boybastos.com (www.boybastos.com) dahil sa kawalan ng batas para isakdal siya sa kasong cyber pornography. Nitong Biyernes sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni Verzo. Iginiit ni Verzo na wala siyang nilalabag na batas at tinawag na libangan lamang at paraan ng “freedom of expression" ang kanyang ginagawa. Sinubukan ng GMANews.TV na buksan ang website ngunit blangko na ito. Naging kontrobersyal ang website nang hilingin ni Sen. Loren Legarda na ipasara ito dahil sa pornograpiya. Bukod sa mga larawan, may link din ang boybastos sa mga “pinoy scandal." Sa ilalim ng House Bill No, 190, sinabi ni Angara na walang komprehensibong batas ang Pilipinas para sa regulasyon ng mga cyber crimes. “There is a need for us to have a law that will define cybercafés, identify punishable acts, involving computers with corresponding penalties" and seek legal procedures for the investigation and prosecution of cyber criminals," paliwanag niya. Nakasaad sa panukala na kabilang sa mga tinatawag na cyber crimes na dapat patawan ng parusa ay illegal access, illegal interception, data interference, system interference, misuse of devices, computer fraud, unsolicited commercial communication, prostitution at child pornography. Ang mapapatunayang lalabag sa batas ay pagmumultahin ng P100,000 at kulong na prison mayor, hanggang sa pinakamabigat na multang P200 hanggang P600,000 o parehong multa at kulong. Ang mga lalabag naman kaugnay sa kasong may kaugnayan sa prostitusyon at child pornography ay pagmumultahin ng mula P200,000 hanggang P800,000 at kulong. Iminumungkahi rin sa panukala na itatag ang Cyber-Crime Investigation and Coordinating Center (CCICC) na bubuuin ng Department of Transportation and Communication (DOTC); National Bureau of Investigation (NBI); Philippine National Police (PNP); National Prosecution Service (NPS); National Computer Center (NCC); at Philippine Center for Transnational Crime (PCTC). Ang kalihim ng DOTC ang magsisilbing chairman ng CCICC at ang pinuno ng NBI ang magbibilbing vice chairman. Sinabi ni Angara na panahon na para suriin ng bansa ang mga batas patungkol sa paggamit ng Internet bunga ng mga krimen na kinasasangkutan ng modernong teknolohiya. “Cyber crime legislation must be an immediate concern for Congress, for reasons similar to stakeholders’ interests. Beside the Philippines continues to groom itself to be the most apparent choice for foreign companies to locate their offshore outsourcing business," pagtatapos niya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV