Filtered By: Topstories
News

Basurahan sa lumang cellphones at accessories inilagay sa shopping malls


May tamang lugar na upang pagtapunan ng mga lumang cellphone, batteries at accessories na nagtataglay ng nakalalasong kemikal. Naglagay ang Ayala Management Corp. ng cellphone recycling bins sa Glorietta malls. Ito ay magsisilbing basurahan ng mga hindi na ginagamit na cellphone, cellphone batteries, charger at iba pang accessories. Ayon sa ulat ng GMA News 24 Oras, ang recycling bin na mistulang donation box ay proyekto ng Department of Trade and Industry, katuwang ang cellphone companies, cellphone manufacturers, Japan International Cooperation Agency (JICA), at shopping malls katulad ng Glorietta na pag-aari ng mga Ayala. Sa Glorietta malls sa Makati City, malapit sa mga cellphone shops nakalagay ang mga bin upang mahikayat ang publiko na dito ilagay ang mga lumang cellphone na gusto nang itapon. Ayon kay Eric Calupe, pinuno ng solid waste management ng Ayala Management Corp, mabuting sa recycling bin itapon ang mga lumang cellphone kaysa sa mga basurahan upang maiwasan ang mga pangyayaring nakasisira sa kapaligiran at maaari ring maging sanhi ng sakuna sa tao. “One of the biggest problems now is waste generation, so a big portion of that is ‘e-waste’ or electronic waste," ayon kay Calupe. Ang mga makokolektang lumang cellphone at accessories ay iipunin at ire-recycle. Ang maganda nito, ang mga toxic chemical sa mga gamit na ito ay hindi mapupunta sa lupa o tubig na makasasama sa kalusugan ng tao at kalikasan. Suportado ng environmental group na Greenpeace ang proyekto ngunit sa palagay nito, ang cellphone manufacturers ang dapat nakatutok sa pagkolekta ng mga basura. “Yung manufacturers ng mobile phone na ito, sila ang nakakaalam ng mga toxic waste na nakalagay dito. Kaya sila rin ang nakakaalam kung paano ito pwedeng mag-dispose at mag-recycle properly," ayon kay Beau Baconguis ng Greenpeace Southeast Asia. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT