Filtered By: Showbiz
Showbiz

Regine hilarious in Ako Si Kim Samsoon


The Songbird gets wacky and hilarious in her latest romantic comedy soap from GMA-7 entitled Ako Si Kim Samsoon. Para kay Regine Velasquez, wala siyang pagsidlan ng tuwa para sa bagong proyektong ito dahil nga sa matindi ang suportang ibinigay sa kanya, mula sa cast nito hanggang sa production staff at crew na siya ring nasa likod ng matagumpay na Marimar. Exciting din ang bagong leading men dito ni Regine, sina Mark Anthony Fernandez at Wendell Ramos. Tiyak na may maiinit ding kissing scenes involving her leading men in this soap. Kaya naitanong tuloy namin kung may nabago ba sa mga limitasyon niya gayong alam ng publiko na si Regine ay sangkot ngayon sa isang malalim na relasyon sa singer-comedian na si Ogie Alcasid. "Ay, pagdating sa bagay na 'yan, okey lang," mabilis na tugon ni Regine. "Si Ogie ang klase ng boyfriend na very supportive, very understanding sa situwasyon ko. Kasi artista rin naman siya, at alam niyang ang ganitong mga bagay ay parte lang ng trabaho namin. "Alam din ng mga tao kung hanggang saan ang kaya kong gawin. Boyfriend ko na si Ogie nang gawin namin ni Piolo [Pascual] yung Paano Kita Iibigin. May love scenes pa doon, at sinabi ko naman kay Ogie kung ano ang gagawin namin ni Piolo doon. Wala siyang tanung-tanong. Naiintindihan niya yun," pahayag niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Ako Si Kim Samsoon kagabi, June 23, sa The Glass Garden, Santolan, Pasig City. TEAM-UP WITH MARK ANTHONY. Bale fourth week pa lang ng Ako Si Kim Samsoon ang naite-tape at yung away-bating mga eksena nila ni Mark Anthony ang nakukunan. "By the fifth or sixth week, doon na nagbu-blossom yung love angle sa istorya. Nakatutuwa kasi ang istorya nito dahil yung role ni Mark, si Cyrus, hindi niya tipo ng babae si Kim [character ni Regine]. Pero made-develop siya kay Kim dahil mabait na tao, busilak ang puso. Bale ang mamahalin niya ay yung pagkatao ni Kim, hindi yung hitsura niya," pagdedetalye ni Regine tungkol sa itinatakbo ng istorya ng kanyang latest soap. THE TRANSFORMATION. Hanggang ngayon ay pinagdedebatehan pa raw kung ano ang magiging transformation ni Kim. Sorpresa pa rin ang mga magaganap sa mga unang linggo ng Ako si Kim Samson. "Maraming makaka-relate sa role ko rito as Kim," sabi ni Regine. "Kasi ordinaryong babae lang siya, na extra special lang talaga ang pagkabusilak ng puso. Hindi kabataan, pero katabaan talaga. Minahal ni Cyrus si Kim ng ganoon, kaya hindi pa rin alam ng writers kung paano ide-develop, o gagawin pa ba nilang seksi at maganda si Kim." May apprehension si Regine kung paano siya matatanggap sa soap na gaganda at magiging glamorosa. "Kasi kapag naka-fat suit ako ng gaya kay Kim, feel na feel ko na yung pagka-Kim Samsoon ko," nangingiting sabi niya. "Baka kung wala na yung fat suit, baka maiba na. Malaking gamble din yun sa magiging reaction ng mga tao. Baka they get to love Kim na as what she is and how she looks like. "Minsan, nangyayari rin yun, yung nababago ang perception ng televiewers. Doon lang ako takot. Pero mahuhusay naman ang writers namin dito. I'm sure magagawan nila ng magandang twist." Malaki naman ang tiwala ni Regine sa staff at think-tank ng bagong proyektong ito ng GMA-7. Grabe raw kung magsulat ang mga writer nito, na kapag nababasa pa lang niya ang script ay humahagalpak na siya ng tawa. "Welcome para sa input ang lahat. Minsan, may papalitan sa script, on the spot. Okey lang yun, lalo kung may effective na adlib o punchlines. The writers are brilliant, and so are the actors," pagmamalaki ng singer-actress. SCENE WITH EUGENE. Sa isang eksenang ipinapanood sa press people, isinungalngal ni Regine ang cake sa pagmumukha ni Eugene Domingo. Palibhasa'y very professional ang mga kaeksena ni Regine, okey lang ito. "Kahit nga umabot ng tatlong takes yun," sabi ni Regine. "Naku, awang-awa at hiyang-hiya ako kay Uge [palayaw ni Eugene]! Sa mga naunang take kasi, hindi ko napipigilan ang pagtawa ko. Hindi naman kailangang gawin ko yun nang tumatawa. Dapat kasi sa imagination ko, galit na galit ako doon. Halos isubo ko na ang buong kamay ko sa bibig niya. "Sabi pa ni Uge, may isang buong hiwa ng peach na dumiretso na sa lalamunan niya at nalulon niya. I was really very sorry, but I just have to do it. Naku, hindi ko talaga kinakaya si Uge! "Sila ni Sweet [John Lapus], mga nakatrabaho ko na 'yan. Pagdating sa adlib, naku, patay ako sa mga 'yan! Nakakatawa talaga sila. Kaya I always beg for them, na mag-stick naman sila roon sa script, dahil yung adlib nila, baka hindi ko kayanin! "Kapag rehearsal, sinasabi ko sa kanila na gawin na lang nila kung ano yung nasa script, kasi baka hindi ko ma-tolerate yung gagawin nila. Kung kailan take, at saka ako bubunghalit ng tawa," kuwento ni Regine. Nababawasan na nga raw ito sa dahilang naimpluwensiyahan na siya ni Ogie. Hindi raw kasi si Ogie ang tipong basta natatawa sa mga ganyan. "'Yan ang matinding natutunan ko rin kay Ogie, na kahit paano, matuto ng batuhan ng linya, na hindi nawawala sa focus. Pero sa galing kasi ng mga kasama ko rito sa Kim Samsoon, hindi pa rin maiwasan yung nawawala ako sa sarili ko," pag-amin ni Regine. - Philippine Entertainment Portal