Filtered By: Topstories
News

Mga Pinoy chef magpapakitang gilas sa Jeddah


JEDDAH -Muling magpapakita ng galing ang asosasyon ng mga Filipinong chef sa gaganaping Filipino Seafood Festival sa Trident Hotel sa Jeddah, Saudi Arabia. Ang ikalawang food festival ay gagawin sa Hunyo 29-30 sa Trident Hotel na dadaluhan ng mga magagaling na kusinerong mula sa iba-t- ibang bansa sa pangunguna ng Association of World Class Filipino Chef. Sasali sa festival ang dalawa sa natitirang founding members ng asosasyon ng Pinoy chef na si Roger Cabacang at Manny Zafra. "Marami kaming mga nakalinya na masasarap na putahe sa darating na festival. Kung nasiyahan sila noong nakaraang taon, mas siguradong masisiyahan sila sa darating na Linggo at Lunes," ayon kay Cabacang, kasalukuyang chairman ng asosasyon. Ipinagmalaki naman ni Zafra na patuloy na lumalaki ang kanilang asosasyon at marami silang bagong miyembro. “Ang mga kasama naming nagtayo ng asosasyon ay wala sa Jeddah, nasa Canada na sila ngayon. Hindi naman natin sila mapigilan dahil kinabukasan nila ang nakataya roon. Pero itong mga bago naming kasamahan ay magagaling din," ayon kay Zafra. Kabilang sa mga kusinerong sasali sa festival ay sina Chef Ricardo Ramos ng Jeddah Hilton; Chef Laurence ng First café; Chef Roger Cabacang ng Logic; Chef Manny Raga; at Chef Arnold ng Al Musbah Catering, vice president ng asosasyon. Naniniwala naman si Syed Abdul Hameed, food and beverage manager ng Trident hotel, na magiging tagumpay ang festival dahil ipakikita rito ang talento ng mga kusinero mula sa iba-t-ibang bansa lalo na ang mga Filipino. "In behalf of my manager Mr. Chander Nain who is very keen on the inclusion of the Filipino cuisine along with the other countries in the festival, thank you very much. We hope to see you and enjoy the food and our services this coming festival," pahayag ni Hameed. Inimbitahan nina Cabacang at Zafra ang mga Filipino na malapit sa Jeddah na suportahan Filipino seafood festival. - GMANews.TV