Filtered By: Topstories
News

OFWs sa Saudi pinaalalahanan ng embahada ng Pilipinas


JEDDAH, Saudi Arabia - Maghihigpit ang pamahalaan sa bansang ito sa pagproseso sa dokumento ng mga ipinapa-deport na dayuhan matapos matuklasan na may mga Filipino na nagtatago ng kanilang tunay na pagkatao upang libreng makauwi sa Pilipinas. Ayon kay Philippine Consul General Ezzedin Tago, nagpadala ang Saudi Ministry of Foreign Affairs ng liham upang ipaalam ang kanilang saloobin at gagawing hakbang tungkol sa mga overseas Filipino workers na tumatakas sa kanilang mga amo. Nakasaad umano sa sulat ang pagkakatuklas ng gobyerno ng Saudi sa mga stranded na OFWs sa nakalipas na mga buwan na pinapaniwalaang mga tumakas sa kanilang mga amo. Marami umanong OFWs na tumakas sa kanilang mga amo at nagtitipon-tipon sa mga pampublikong lugar na nagpapakilalang mga “Umrah" nang dumating sa Saudi. Wala rin umanong mga dokumento na pagkakakilanlan sa mga ito at nais lamang mapabilang sa mga pinapauwi ng pamahalaan sa pamamagitan ng deportation kung saan sagot ng gobyerno ang gastusin. Mayroon din umanong mga Pinoy expatriates ang nagpapanggap na ibang lahi at nagpapalit ng relihiyon para mapasama sa mga ipinapa-deport. Dahil sa mga natuklasan, inihayag ng pamahalaan ng Saudi na lalo pang maghihigpit sa pagproseso ng mga taong kanilang pinapauwi. Hindi umano papayagan na makauwi sa kanilang bansa ang sinuman na hindi makapagpapalabas ng katibayan tungkol sa tunay nilang katauhan. Dahil dito, pinaalalahanan ni Tago ang mga Filipino na tumatakas sa kanilang mga amo na mag-isip munang mabuti bago gumawa ng hakbang na posibleng pagsisisihan nila sa huli. "Sa ating mga kababayan na nagbabalak tumakas sa kanilang mga amo. Pag-isipan nyo na mabuti para hindi kayo magsisi sa huli. Kung anuman ang problemang inyong kinakaharap sa inyong trabaho makipag-ugnayan kayo at humingi ng payo sa Saudi Labor o sa ating labor section sa konsulada at embahada," payo ni Tago. Kasabay nito, tiniyak ng Saudi foreign ministry na tutukan nila ang pangangalaga sa kalusugan ng lahat ng mga nakakulong sa deportation center, anuman ang kanilang lahi. - Rolando Concha, GMANews.TV