Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin can’t wait filming ‘Totoy Bato’ with Pacquiao


Matapos ang matagumpay na action-fantaserye ng GMA Network na “Joaquin Bordado," isang classic film tungkol sa boksing ang susunod na proyekto ni Robin Padilla, kasama ang Kapuso Star at kinikilalang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Pahinga na muna sa soap sa TV si Robin at sa halip ay gagawin niya ang remake ng “Totoy Bato" movie kung saan makakasama nya si Manny, ayon sa ulat entertainment talkshow na “StarTalk" nitong Sabado. Ang “Totoy Bato" ay kabilang sa mga isinulat na kwento ni Carlo J Caparas. Ang namayapang action king na si Fernando Poe Jr. ang gumanap nang isapelikula ito noong 1977. “Actually matagal na kaming hindi nagkita…Nag-uumpisa pa lang sa boxing si Manny magkaibigan na kami," kwento ni Robin sabay biro na hindi sila magka-love team sa ‘Totoy Bato" movie. “Ang Totoy Bato boxing yun…Isang karangalan na makasama si Manny bilang Kapuso, kami ay nanabik na makasama ang pambansang kamao," dagdag pa ni Robin. Kinumpirma rin ng aktor na kasama sa project ang isa pang Kapuso star na si Sunshine Dizon. “Opo isa rin po yan sa inaasahan na mangyayari." Habang naghahanda sa unang pelikula nila ni Manny, inihayag naman ni Robin ang pagtutol na gumawa na kaagad ng movie ang kanyang anak na si Kylie na nakasama niya sa “Bordado." May nakahanda na umanong launching movie ang Viva films para kay Kylie. “Masyado kasing malaki kaagad yung sa Viva ..medyo nalalakihan pa kami …dahan-dahan lang. Gusto ko munang manamnam ni Kylie yun TV bago siya magpelikula," paliwanag ni Robin. Idinagdag ni Binoe na nais niyang samantalahin ang bakasyon na makasama ang pamilya bago sumabak sa shooting ng kanilang movie ni Manny. Kasabay nito, hindi maubos-ubos ang pasasalamat ni Robin sa mga tumangkilik sa kanyang “Bordado." Maraming raw siyang alaala na hindi makakalimutan sa anim na buwan na paggawa ng action-fantaserye ng Kapuso Network na nagwakas nitong Biyernes. - Fidel Jimenez, GMANews.TV