Filtered By: Topstories
News

Northrail project pinakamahal na riles sa buong mundo - Drilon


MANILA – Pwedeng ilagay sa Guiness Book of World Record ang $503 milyong Northrail project mula Caloocan hanggang Bulacan bilang pinakamahal na riles ng tren sa buong mundo, ayon sa isang dating senador. Hiniling ni dating Sen. Franklin Drilon nitong Sabado kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ibasura na ang kontratang isinara sa National Machinery and Equipment Corp. Group (CNMEG) ng China at ipasubasta ang kontrata. Sa media forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni Drilon na sa $503 milyong kontrata, $421 milyon nito ang mapupunta sa CNMEG. Ngunit tataas pa ito kapag ibinigay ng pamahalaan ang karagdagang $299 milyon na hinihingi ng kumpanya para umano sa “cost overrun." “The CNMEG has stopped its work, but this work is not yet on the construction of the railways but just for engineering design. This is one of the anomalies in this contract because the project was awarded even without the specification," puna ni Drilon. Sinabi ni Drilon na nagbanta ang CNMEG sa kanilang demand letter noong nakaraang buwan na kakanselahin ang kontrata sa Northrail kapag hindi ibinigay ng pamahalaan ang hinihinging dagdag na $299 milyon. Hindi makapaniwala si Drilon na magiging mas mahal ang 32.2 kilometrong Northrail project kumpara sa moderno at matirik na railway project sa Tibet na may taas na 17,000 ft above sea level. Paikot at pataas ng bundok ang Tibet railways na nagkakahalaga umano ng $3.750 milyong bawat kilometro. Samantala, Northrail project na gagawin sa patag na lupa ay magkakahalaga ng $802 milyon o P1.1 billion o $25 milyon bawat kilometro. Bagaman wala pa umanong nakikitang instruktura ng proyekto, sinabi ni Drilon gumastos na ang pamahalaan ng P5.4 bilyon mula nang ipatupad ang proyekto. “As a result, the government is paying P1 million in loan interest alone since September of 2004 or a total of P4.1 billion as of the present," aniya. Bukas ang imbestigasyon Hinikayat din ni Drilon ang mga senador na muling buksan ang imbestigasyon ng Northrail projects. Natigil umano ang imbestigasyon nang nagdaang Kongreso sa proyekto matapos ipatupad ng Malacanang ang Executive Order 464 na nagbawal sa mga opisyal na dumalo sa imbestigasyon ng Senado. Pinayuhan din nito si dating Speaker Jose de Venecia na dumalo sa imbestigasyon at isiwalat ang lahat ng nalalaman proyekto kasama na ang isa pang kontrobersyal na kontrata sa China na $329.48-milyon ng ZTE Corp. “Telling the truth will set you free," payo ni Drilon kay De Venecia. Sinabi ni Drilon na atubili si De Venecia na tumestigo sa ZTE deal dahil sa banta umano ng Malacanang na idadawit ang dating Speaker sa Northrail project na siya ang nagsulong. “De Venecia should not let his historic opportunity pass. He will serve as the conscience of the Arroyo administration, as he promised when he was ousted as speaker, if he rectifies the mischief in the Northrail deal," ayon kay Drilon. Nilinaw naman ng dating senador na hindi siya tutol sa proyekto ngunit dapat maging lantad ito sa publiko at idaan sa proseso ng bidding at hindi government-to-government deal tulad ng ZTE contract. - Fidel Jimenez, GMANews.TV