Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ibang mukha ng buhay sa US


Dear Kapuso, Maraming mga Filipino ang naghahangad na makarating dito sa America dahil sa mga haka- hakang naririnig nila na masarap mamuhay dito. Sa totoo lang, masarap lang ang buhay dito sa America kung ikaw ay may magandang trabaho at malaki ang tinatanggap na sweldo. Sa pangkaraniwang tao na katulad ko, kailangang magdoble ng trabaho dahil ako lang ang inaasahan ng pamilya ko upang maghanap-buhay. Limang taon nang retired ang asawa ko pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakahanap ng disenteng trabaho. Naka-graduate siya sa collage pero nahihirapan din siyang humanap ng trabaho ngayon dahil dito sa America, mas maraming natatanggap sa trabaho hindi dahil sa pinag-aralan kundi sa mga experience mo. Kaya kung wala kang experience, kahit na nakatapos ka pa ng collage ay hindi mo rin magagamit ang pinag-aralan mo. Buhat nang dumating ako rito sa America ay hindi ko naranasang magtrabaho dahil active pa sa military ang asawa ko. Ako lang ang nag-aalaga sa aking mga anak. At dahil mas mataas pa ang babayaran ko sa pagpapaalaga, mas minabuti ko na ring mag-alaga ng mga anak ng mga kaibigan ko na may trabaho. Sa $2 na 1 hour na pag-aalaga ay okay na rin dahil nakatutulong na rin para makabili ng mga pangangailangan ng aking mga anak. Tulad ng mga snacks at diapers na hindi ko mabili dahil maliit lang naman ang sweldo ng mister ko. Marami rin akong nakilalang mga matatanda na nakarating dito sa America. Pero pagdating nila rito ay tagapag-alaga sila ng kanilang mga apo. Para ang kanilang mga anak na nagdala sa kanila rito ay hindi na kailangang maghanap ng daycare na mag-aalaga sa kanilang mga anak. Mas malaki pa kasi ang babayaran sa daycare kaysa sa kanilang sinusweldo. At kung wala namang trabaho ang kanilang mga anak, naghahalungkat sila sa mga basurahan sa mga park upang maghanap ng mga recycable cans and bottles na pwede nilang ibenta upang magkapera. Umulan man o umaraw, ginagawa nila ito upang may ipadala sila sa mga kamag-anak na naiwan sa Pilipinas. Na ang buong pag-aakala ay maganda ang mga buhay ng mga nagpapadala sa kanila buhat dito sa America. Hindi nila alam na maraming hirap ang pinagdadaanan nila para lang may maibigay sa kanilang mga pangangailangan. Kung minsan ay hindi pa ginagamit sa mabuting paraan kundi sa mga drugs at iba pang mga walang kabagay-bagay. Masakit isipin pero totoo ang sinasabi ko dahil nakita ko kung paano magpakahirap ang mga kapwa natin Filipino rito sa America. Kung wala kang hanap-buhay, wala kang ipambabayad sa iyong tinitirhan, paupahan man o sarili mong bahay. Kailangan mo ring magbayad ng insurance para sa iyong bahay. Kailangan mo ring mamili ng sariling sasakyan upang makarating ka sa iyong pupuntahan. Marami ang malalayo ang tirahan buhat sa kanilang pinagta-trabahuhan. Mahirap naman makisakay sa ibang tao dahil maraming lugar din dito sa America ang hindi dinadaanan ng mga bus na pwede mong sakyan. Dito sa America, walang pakialaman kahit na mga Filipino kung minsan ay walang pakialam sa mga kapitbahay. Karamihan sa mga kapwa mo Filipino rito sa America, kahit na alam nila na naghihirap ka na hindi ka man lang matulungan. Sila pa ang magpapahamak sa iyo lalo na kung alam nila na kung saan-saan ka lang nakikitira, kung illegal ka o over staying dito sa America. Sila pa ang hahanap ng mga taong pwedeng magpadeport sa iyo kapag hindi mo sinunod ang gusto nila na magtrabaho ka sa kanila ng walang bayad. At kung bayaran ka man nila ay sa napakaliit na halaga dahil sinasamantala nila ang pagiging illegal mo rito sa America. Kaya sana, sa mga nanay at tatay, mga lolo at lola na naghahangad pang makarating dito sa America, mag iingat lang po kayo dahil hindi po ninyo alam kong anong klaseng buhay ang makakaharap ninyo rito - kahit pa sa piling ng inyong mga anak o kaya naman ay mga apo. Marami pong salamat at mabuhay po kayo. Gemma San Diego, California Mga Kapusong Pinoy! Nagpapasalamat po kami sa patuloy ninyong pagtangkilik sa ating Pinoy Abroad section ng GMANews.TV. Nakakataba ng puso ang inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong saloobin sa ating Kwentong Kapuso na tunay naman nagbibigay ng inspirasyon at kinapupulutan ng impormasyon ng ating mga kababayan. Kaya muli po, iniimbitihan namin kayo na patuloy na magpadala ng inyong maikling kwento, tula, awitin, litrato, at iba pang sariling katha tungkol sa iyong karanasan. Hindi natin alam baka kapulutan pa ito ng aral ng iba nating Kapuso na nasa ibang bansa o nagbabalak pa lang makipagsapalaran sa labas ng Pilipinas. Maaaring ang inyong ibabahagi ay magsilbing inspirasyon sa mga kababayan natin nalulungkot at nangungulila sa kanilang mahal sa buhay. Ito ang pagkakataon na makapagkwento ka, magbahagi ng inyong pananaw o magpaabot ng iyong saloobin. Masaya, malungkot, tungkol sa tagumpay o kabiguan o kahit wala lang...makapag-kwento lang at magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Kaya ibalita na sa ating mga kababayan ang Kwentong Kapuso at mag-email sa Pinoyabroad@gmanews.tv. Lagi ring bisitahin ang ating website na www.gmanews.tv para sa mga sariwang balita, impormasyon at iba pa sa loob man o labas ng Pilipinas. Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala mga Kapuso!