Filtered By: Topstories
News

RP exec may payo sa mga Pinoy truck driver sa Saudi


Pinayuhan ng konsulada ng Pilipinas ang mga overseas Filipino workers sa Jeddah, Saudi Arabia partikular ang mga nagtatrabaho bilang mga drayber ng trak na huwag makipagtransaksyon sa sindikato upang magpasok ng illegal na droga sa nasabing kaharian sa Gitnang Silangan. Ang babala ay ipinalabas ng konsulada dahil sa mga ulat na may mga Pinoy na drayber ng trak ang dinakip ng mga pulis matapos silang mahulihan na nagdadala umano ng ‘Qat,’ isang uri ng droga na mapanganib sa kalusugan. Batay sa ulat ng Royal Society of Medicine sa United Kingdom, ang Qat ay may mapanganib sa organ ng tao lalo na sa puso at atay. Sinabi ni Philippine Consul General Ezzedin Tago na may mga Pinoy driver, lalo na ang maliit ang kita ang pumapayag na magpasok ng mga illegal na droga sa Jeddah bilang sideline. "Naiintindihan ko ang sitwasyon ng iba nating mga kababayan na maliit lang ang kinikita. Pero dapat nilang malaman na napakadelikado ng kanilang ginagawa," ayon kay Tago. Hindi binanggit ni Tago kung ilan ang mga Pinoy na naaresto kaugnay sa pagpupuslit ng nasabing droga. Pero patuloy umanong dumarami ang bilang ng mga nahuhuli at ilan sa mga ito ay nahatulan na makulong ng hanggang limang taon. "Ibibigay namin ang lahat ng aming makakaya para sila ay mabigyan ng assistance. Pero sana makinig sila at ‘wag gumawa ng hindi maganda nang hindi sila mapahamak," pagtatapos ni Tago. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

LOADING CONTENT