Filtered By: Topstories
News

MILF pinayuhang itigil ang pagbabanta ng digmaan


MANILA — Nagbabala ang Malacañang sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Sabado na malalagay ang mga rebelde sa alanganing sitwasyon kapag itinuloy ang pagbabanta ng digmaan sa Mindanao. Sa kabila nito, sinabi ni Deputy presidential spokesman Anthony Golez Jr. na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pakikipag-usap sa MILF sa kabila ng banta ng mga rebelde upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao. "Una sa lahat, gusto natin na malaman nila na they will always be in a worse situation whenever we are at war. We are pushing for peace because war would never lead anybody anywhere," pahayag ng opisyal sa panayam ng dzRB radio. Ang pahayag ay ginawa ni Golez bilang tugon sa deklarasyon ng liderato ng MILF na handa silang makidigma. Idinagdag ng opisyal na nakalalamang ang pamahalaan sa nangyayaring iringan sa mga rebelde dahil marami umanong nilabag na batas ang MILF. Bukod dito, sinabi ni Golez na patuloy ang hot pursuit sa mga kasapi ng MILF na responsable sa pagsalakay sa ilang lugar sa Mindanao. Ipinaliwanag din niya kung bakit matindi ang kahirapan sa mga lalawigan na walang kapayapaan at masama ang peace-and-order situation. "Mahirap mangalakal kung ang katabi mo may baril na nakasukbit," pahayag ni Golez patungkol sa kawalan ng oportunidad ng mga tao na maghanap-buhay dahil walang naglalagay ng negosyo sa mga magulong lugar. Ito umano ang dahilan kaya hindi isinusuko ng pamahalaan ang negosasyon sa MILF sa paghahangad na makamit ang kapayapaan sa Mindanao. "Our Number 1 objective is to have peace. The government is sincere in achieving peace," ayon sa opisyal. Tutol si Golez sa panawagan na all-out war sa MILF dahil ang deklarasyon umano ng digmaan ay parang pagputol lamang sa damo na patuloy din na lalago. - GMANews.TV
Tags: milfsiege, milf