Filtered By: Topstories
News

OFW sa KSA nagsisisi sa paggamit ng biniling visa


JEDDAH, Saudi Arabia — Humingi ng tulong sa pamahalaan ang isang overseas Filipino worker sa bansang ito upang makauwi ng Pilipinas matapos mabigong makita ang kanyang "sponsor" at mapaso ang residence visa. Si Crispulo Perez, 58-anyos, mula sa lalawigan ng Nueva Ecija, ay humihingi ng tulong sa OWWA at nagmamakaawang mapauwi sa Pilipinas matapos na mabigo na mahanap ang kanyang sponsor sa loob nang isang taon matapos na mag-expire ang kanyang iqama (residence visa). Kwento nito, bumalik sya sa Saudi Arabia noong taon 2005 gamit ang visa na kanyang binili sa isang Arabo sa halagang 7,000 riyal. Tinulungan umano sya nang isa pang Pilipino para makabili ng visa at makabalik sa Saudi Arabia. Sinabi nito na nakapagtrabaho pa siya pagkadating sa Taif pero nagsimulang magkalokoloko ang kanyang buhay nang hindi nya na makita ang kanyang amo matapos na mag-expire ang kanyang residence permit. Ang Taif na isang lungsod na kasing-taas ng Baguio City ay 140 kilometro ang layo sa Jeddah sa kanlurang bahagi ng Saudi Arabia. "Hinanap ko na kung saan-saan ang sponsor ko pero hindi ko na makita. Pati telepono nya walang sumasagot, yung Filipino na tumulong din sa akin noon ay wala na rin sa Saudi. Kaya lumapit na ako sa OWWA para humingi ng tulong kay Welfare Officer Romeo Pablo para hanapin namin ang aking sponsor pero bigo kami," ayon kay Perez. "Hindi biro ang hirap na dinaranas ko ngayon. Kung kani-kaninong mga kaibigan na lang ako nakikituloy. Hindi na ako makapagtabaho dahil sa sitwasyon ko," kwento ng OFW. "Habang tumatagal ako rito lalo lang ako nabibigatan at pati ang konting natitira sa akin ay unti-unti nang nauubos sa mahal ng mga bilihin. Gusto ko nang umuwi habang malakas pa ako para makapiling ko ang pamilya ko." Ayon kay Pablo ginawa na nila ang lahat para mahanap ang sponsor ni Perez simula nang humingi ito ng tulong sa kanila noong isang taon. "Gagawin namin ang lahat ng pwede naming maitulong para makauwi si Perez. Mahirap ang kanyang sitwasyon ngayon lalo pa't naghigpit na ang gobyerno ng Saudi," pahayag ng opisyal. Si Perez ay dating nagtatrabaho sa isang construction company mula 2000 hanggang 2003 sa Taif. Napilitan umano siyang bumili ng visa dahil sa mahihirapan na siyang makapag-apply pabalik sa Saudi dahil na rin sa kanyang edad. "Sa aking mga kababayan na nagnanais makapunta sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng pagbili ng visa ay mag-isip isip muna ng maraming beses para hindi nila sapitin ang aking nararanasan ngayon," babala nya. "Magsilbi sanang aral sa mga kababayan ko itong nangyari sa akin." - GMANews.TV
LOADING CONTENT