Filtered By: Topstories
News

Illegal recruiters walang puwang sa OFW hiring program ng Canada - DOLE


MANILA – Kasunod ng anunsyo na 30,000 hanggang 40,000 Pinoy workers ang kakailanganin sa Canada, sinabi ni Labor Secretary Marianito Roque nitong Huwebes na walang puwang ang mga illegal recruiters sa nasabing programa na aprubado ng gobyerno ng Canada. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Roque na walang sisingiling placement fee ang mga Canadian employers na bahagi ng kasunduan ng Pilipinas at Canada. Dahil dito ay mababawasan kundi man tuluyang mawawala ang mga illegal recruiters. "Ang usapan natin sa Canada ay walang placement fee na babayaran," paglilinaw ni Roque sa panayam ng dzBB radio. Nitong Miyerkules, inihayag ni Roque na 10,000 manggagawang Filipino ang kailangan sa lalawigan ng Alberta sa Canada. "Initially 10,000 Filipinos are need immediately for this recruitment program, but Alberta officials said they have a shortage of 30,000 workers for their oil and gas industry," ayon sa kalihim. Karamihan sa mga kailangan ay mga highly skilled workers at professionals para sa kanilang industriya ng oil at gas, at maging mga construction workers. Nitong Miyerkules ay nilagdaan ni Roque at kinatawan ng Alberta’s Ministry of Employment and Immigration na pinamunuan ni Hector Goudreau, ang pirmahan ng memorandum of agreement para sa pagkuha ng mga Pinoy workers. Ayon kay Roque nais niyang makapagpadala ng 30,000 hanggang 40,000 manggagawang Pinoy sa Alberta at tatlo pang lalawigan sa Canada bawat taon. Tinataya ni Roque na ang kwalipikadong manggagawa sa Alberta ay maaaring tumanggap buwanang sahod na 6,000 Canadian dollars ($5,700) para sa highly skilled welders, at C$3,800 ($3,600) sa pipe fitters. Mas mataas umano ang alok na sahod sa Canada kumpara sa ipinapasahod ng Saudi Arabia para sa welders at pipe fitters na nagkakahalaga lamang ng $300 hanggang $500 bawat buwan. Nangangailangan din ang Alberta ng mga food attendants, food processors at matansero o butchers, at maging mga nurses at care givers. Tinatapos na umano ng mga Canadian employer ang detalye sa pagkuha at pagsasanay ng mga aplikanteng Filipino na maaaring makumpleto sa loob ng tatlong buwan. "They are willing to invest in the Philippines for the continued training for the availability of the Filipino workers to upgrade their skills," aniya. "We have created a joint working committee that will review the IRR and in the next three months we hope to start the training." - Fidel Jimenez, GMANews.TV