Filtered By: Topstories
News

Ermita: Arroyo dismayado sa oil price rollback


MANILA — Dismayado umano si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mabagal na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ngunit walang magawa ang Malacanang dahil sa umiiral na batas sa deregulasyon ng oil industry, ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita nitong Sabado. Sinabi ni Ermita na hindi maaaring diktahan ng Palasyo ang mga kumpanya ng langis at hinahayaan lamang na ang presyo sa merkado ang magdikta kung kailan dapat ipatupad ang rollback. "Masasabi natin ‘yan pero dahil meron tayong deregulation di natin madiktahan," pahayag ni Ermita sa panayam ng dzRH radio nang tanungin kung dismayado si Gng Arroyo sa mag paunti-unting rollback. Nitong mga nakaraang linggo, nagpatupad ng P1 hanggang P2 per liter na roll back sa presyo ng langis ang mga oil companies sa kabila ng panawagan ng ilang sektor para sa "one-time, big-time" rollback. Ilang transport groups at kongresista ang naniniwala na dapat ipatupad ng mga oil companies "one time, big time rollback" sa presyo ng mga produktong petrolyo na aabot sa P7 - P8 per liter. Ayon kay Ermita ang tanging magagawa lang ng Malacanang ay hikayatin ang mga kumpanya ng langis na maging sensitibo sa karaingan ng publiko. "Ako naniniwala ang oil companies magiging sensitive. Sana makonsensya ang oil companies," paliwanag niya. - GMANews.TV
LOADING CONTENT