Filtered By: Topstories
News

Pinagmulan ng 'contingency fund' ng PNP sa Moscow aalamin ng Senado


MANILA – Aalamin ng Senado kung saan nanggaling ang euros na katumbas ng P6.9 milyon na sinasabing “contingency fund" ng delegasyon ng Philippine National Police (PNP) na nasabat ng customs agents sa Moscow kay retired police comptroller Eliseo dela Paz sa airport. Malaki ang paniniwala ni Sen. Miriam Defensor Santiago na nanggaling sa ilang patron ng PNP ang perang dala ni Dela Paz sa Moscow kaya nararapat umanong tukuyin kung pribado o pampubliko ang naturang pondo. “Dapat linawin kung kanino galing ang pera, kung public money ito dapat kwestiyunin kung sino ang nagbigay pahintulot dito. Kung pribadong salapi naman ito, saan o kanino nanggaling?" ayon sa mambabatas. Nais ni Santiago, vice chairman ng Senate committee on finance, na imbestigahan kung bakit nagdadala ng napakalaking pera si De la Paz para sa isang byaheng awtorisado ng PNP. “Dapat idineposito nya ito sa account ng PNP kung mayroon man at magdala lamang ng sapat na salapi na kakailanganin sa pagbabayad ng airport fees at iba pang gastusin pabalik ng Pilipinas," idinagdag pa ni Santiago. Isinusulong din ng senadora ang reorganisasyon ng National Police Commission (Napolcom) sa pamamagitan ng panukalang Senate Bill No. 2269. Gusto niyang magkaroon ng mas malakas na kontrol sa PNP hinggil sa usaping administratibo at pamamahala. “Dapat mabigyan ito ng mas matalim na pangil hindi lamang ng isang paper tiger," pahayag ng Santiago. Sa ilalim ng panukala, hahawakan ng Napolcom ang lahat ng operasyon ng PNP sa public safety. Magkakaroon din ito ng direktang impluwensiya sa PNP hinggil sa lahat ng bagay tulad ng badyet, pamantayan sa pagtatalaga ng opisyal, performance at aktibidad ng lahat ng tauhan ng pulisya. - GMANews.TV