Filtered by: Topstories
News

Pagbagsak ng RP sa press freedom index binalewala ng Palasyo


MANILA — Binalewala ng Malacañang nitong Sabado ang pagbagsak ng Pilipinas sa press freedom index ng media watchdog group na Reporters Without Borders (Reporters Sans Frontieres/RSF). Sa panayam sa radyo, sinabi ni Presidential Management Staff head Cerge Remonde na batay lamang sa “persepsyon" o paniwala ang naturang pagtaya ng RSF. "Kung ang nagra-ranking sa atin magmo-monitor ng radio at TV, makikita nila very lively at very aggressive at very free ang Philippine press," paliwanag ng opisyal sa dzRB radio. Bagaman malungkot umano ang naturang ulat, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang umangat, ayon kay Remonde. "Kung tutuusin talaga this is really more perception than reality," idinagdag niya. Sa Press Freedom Index 2008, ang Pilipinas ay nasa 139th pwesto mula sa 173 bansa. Nahigitan ng Pilipinas ang Malaysia (132nd), Bangladesh (136th) at Nepal (138th). Noong 2007, ang Pilipinas ay nasa 128th pwesto, mas mataas kumpara sa 142th pwesto noong 2006. Samantala, ngayong 2008 ang Iceland, Luxembourg at Norway ang nanguna sa listahan, habang nasa huli naman ang Turkmenistan (171st), North Korea (172nd) at Eritrea (173rd). Ang listahan ng RSF ay batay sa kalagayan ng kalayaan sa pamamahayag sa isang bansa. "It includes every kind of violation directly affecting journalists (such as murders, imprisonment, physical attacks and threats) and news media (censorship, confiscation of newspaper issues, searches and harassment). Ánd it includes the degree of impunity enjoyed by those responsible for these press freedom violations," ayon sa pahayag ng grupo. - GMANews.TV