Filtered By: Topstories
News

Pag-usad ng Senate probe kay Bolante, tiniyak ni Alan Cayetano


MANILA, Philippines - Tiniyak ni Sen. Alan Peter Cayetano na uusad na ang isasagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa papel ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc" Bolante sa P728 milyong Fertilizer scam. Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na hinihintay ng komite ang bisa sa pagpapalathala ng Rules of Procedures Governing Inquiries in aid of Legislation sa ilang pahayagan pitong araw simula nitong Oktubre 31. “Pinag-aralan nang mabuti ng Senado ang lahat ng hakbang hinggil sa muling pag-iimbestiga kay Bolante. Una, magiging effective ang Rules pitong araw nang pagkakalathala alinsunod sa itinakda ng Administrative Code," ayon kay Cayetano. “Samakatuwid, sa Lunes puwede nang magpadala ng imbitasyon sa kinauukulang opisyal ng gobyerno bago simulan ang pagdinig," ayon pa sa chairman ng Blue Ribbon Committee. Ayon kay Cayetano, bago maging epektibo ang pagpapalathala ng Rules, may isang linggo ang mga doktor ng St. Luke’s Medical Center at Senado na tapusin ang ebalwasyon sa kasalukuyang kalagayang-pisikal ni Bolante. Pangalawa, ayon pa kay Cayetano na makapagdedesisyon na rin ang mga kinauukulang senador kung anong aspeto ng kaso ni Bolante ang pwedeng isalang sa caucus bago magbukas ang sesyon sa Lunes, Nobyembre 10. “Alam naman natin na nabanggit din ang pangalan ni Bolante sa multi-milyong swine scam, kaya hindi maaaring maisantabi ang kanyang testimonya sa pagbubukas ng pagdinig," ayon kay Cayetano. Binanggit pa ni Cayetano na mismong Committee Report na ipinalabas ni dating Senador Ramon Magsaysay Jr. hinggil sa naturang eskandalo ang nagsasabing “hindi pa sarado" ang imbestigasyon. “Alinsunod sa Page 35, Item 9 ng Magsaysay Committee Report na nagsasabing: 'Although this is the Final Committee Report, the fertilizer fund scam will never be closed without the testimony of its brains and implementor - Jocelyn Bolante. Thus, the order of contempt against Jocelyn Bolante must be enforced. In addition, the following individuals must be held in contempt: Secretary Luis Lorenzo at Undersecretary Ibarra," ayon kay Cayetano. Hinggil naman sa petisyon ng Writ of Habeas Corpus na isinampa ng kampo ni Bolante sa Court of Appeals, sinabi ni Cayetano na pawang forum shopping ang ginagawa ng abogado nito. “Hindi nga sila binigyan ng TRO ng Supreme Court, so nagpunta sa Court of Appeals kaya forum shopping ito kasi iisa lamang ang hinihingi," paliwanag pa ng mambabatas. Ipinaliwanag ni Cayetano na kung ititigil ang lahat ng imbestigasyon kapag nakapaghain ng petisyon sa Korte Suprema, magkakaroon ng sandata ang lahat ng iniimbestigahang opisyal ng gobyerno na nasangkot sa katiwalian na iwasan ang imbestigasyon. “Definitely we will respect and answer whatever the Supreme Court wants us to do. Unless there would be a temporary restraining order issued by the court, we will continue our investigations," sabi ni Cayetano. - GMANews.TV
LOADING CONTENT