Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Sugal ng buhay sa Iraq


Magandang araw po sa inyo at maalab na pagbati! Isa po ako sa libo-libong Pilipino rito sa Iraq. Mahigit apat na taon na po akong nagtatrabaho rito at sa gabay ng Panginoon ay mabuti naman ang aking kalagayan. Isa rin po ako sa masusugid na mambabasa ng inyong website (http://www.gmanews.tv). Palagi ko pong binibisita ang OFW Station/Pinoy Abroad section. Marami na rin po akong nabasa tungkol sa buhay ng OFW, kwento, ibat-ibang sulat at mga naging karanasan dito sa Iraq. Matagal ko na rin pong gustong sumulat at magbahagi ng karanasan o kwento sa section na ito. Ngunit minabuti ko na munang manahimik at maaliw panandalian sa pagbabasa. Nasabi ko pong gusto kong manahimik sa maraming dahilan. Una at natatangi sa lahat ay dahil sa pagiging banned nating mga Pinoy dito. Nangangamba ako na malaman ng mga kinauukulan sa gobyerno na ang aking mga kakilala o ako na rin mismo ay narito sa Iraq. Sa Iraq na kung saan puno ng kaguluhan, sa pagitan ng Amerikano at mga sinasabi nilang terorista. Iraq na kung saan punong-puno ng mga bagay na pwedeng pagyamanin at pwedeng maging paraiso na rin. Sa aking pang-unawa, ang tanging dahilan kung bakit tayo banned ay ang seguridad at alam ko hindi rin ito lingid sa kaalaman na lahat. Marahil may iba pang mga dahilan kung bakit, ngunit maaaring hindi na nasasaklawan na aking pang-unawa. Maraming dahilan, at hindi lang pangkaraniwang dahilan pero hindi ito ang pumipigil sa mga Pilipino upang maghanap-buhay dito. Una, sa katulad kong pamilyado at sa pamilyang ipinaglalaban. Itinataguyod ang hikaos na buhay mula sa bayang pinagmulan. At para rin sa kinabukasan ng mga anak. Masasabing simple ngunit mabigat na responsibilidad. Sa totoo lang bilang isang propesyunal at may magandang trabaho rito sa Iraq, nakakalungkot isipin pero hindi kayang tapatan ang kinikita rito kung ihahalintulad sa ating bansa. At dahil sa kinikitang ito, kahit na banned ang Pilipino ang tanging paraan upang makapasok sa bansang ito ay sa pamamagitan ng ilegal na paraan, basta makalabas lamang sa ating bansa. Nagiging dahilan para dumaan sa butas ng karayom ang OFW bago makaalis ng bansa. Malaking halaga na kaagad ang nawawala bago pa man kumita. Pero dala naman ang pag-asang mababawi ito sa Iraq. Sayang, kung wala sana ang ban ay maraming makakapagtrabaho at kumikita ng malaki-laki rito kumpara sa ating bansa at maging sa ibang bansa. Sa katunayan, Pilipino ang gusto ng mga employer dito. Pinipili at pinagkakatiwalaan ng mga malalaking kumpanya ang mga Pinoy para hawakan ang ibang matataas na katungkulan. Kung wala ang ban, mas marami pa sanang Pilipino ang matutulungan at higit sa lahat mas lalong makakatulong pa sana sa ekonomya ng ating bansa. Sa tagal ko na po rito sa Iraq, sa aking karanasan ay naiintindihan at nalalaman ko ang seguridad ng mga Pilipino o kahit ng ibang lahi. Sa mga nagdaang taon, mayroong mga nasaktan at nasawi ngunit ganun lang naman talaga - pana-panahon lang. Kung oras mo na ay wala kang magagawa. Kahit nasaan ka, ang mahalaga lang talaga ay ang pag-iingat at disiplina. Mabibilang mo nga lang sa daliri ang bilang ng casualties dito kung ikukumpara natin sa ibang bansa at sa kaguluhan sa Mindanao. Dito walang nabibitay, walang naaabuso at nare-rape. Sana po ang maikling sulat na ito ay mabasa o mailathala sa inyong website. Wala naman po kaming ibang hinihingi sa gobyerno natin kundi ang hangad na matanggal na ang ban. Kami pong mga Pilipino rito sa Iraq ay nagkakaisa at nagtutulungan. Sa katunayan nga po ay nagsimula po kami ng website (www.barangayelpi.net) para sa mga Pilipino rito. Kung saan ay nagkakabalitaan ng mga trabaho, salu-salo at mga programa. Layunin po naming matulungan ang mga kababayan natin. Maraming salamat po at more power sa inyo at mabuhay po ang lahat ng Pinoy sa Iraq!!! Elpi ng Iraq