Filtered By: Topstories
News

Nurse na dinukot sa Basilan nakalaya raw sa P1.8 M ransom


ZAMBOANGA CITY – Umabot sa P1.8 milyon ang ibinayad na ransom ng pamilya ng isang nurse na dinukot ng mga armadong lalaki sa Basilan noong Hulyo 7, pag-amin ng kamag-anak ng biktima nitong Sabado. Nitong gabi ng Biyernes ay pinalaya ng mga hinihinalang myembro ng Abu Sayyaf Group ang biktimang si Preciosa Feliciano, 24-anyos, sa isang liblib na barangay sa Tipo-tipo, Basilan. Kaagad na nakapiling ni Feliciano sa Zamboanga City ang kanyang mga nag-aabang na pamilya. Wala pang ibinibigay na detalye sa pagpapalaya kay Feliciano ngunit inamin ng pamilya nito ang pagbabayad ng ransom na napababa mula sa orihinal na P5 milyon na hiningi umano ng mga bandido. "I am okay. I was treated well and I am happy to be reunited with my family," pahayag ni Feliciano sa mga mamamahayag sa Zamboanga City nitong Sabado. Kinumpirma ni Basilan Vice Gov. Al Rasheed Sakalahul ang pagbabayad ng ransom ngunit P200,000 lamang umano ito upang ibalik ang nagastos ng mga dumukot sa pagkipkip kay Feliciano. "I was told by the family that they paid P200,000 as board and lodging fees," ayon sa bise gobernador. Sinabi ng mga awtoridad na dalawa pa ang bihag ng mga bandido - sina Millet Mendoza at Joed Anthony - at humihingi ang mga ito ng P27 milyon ransom kapalit ng kanilang kalayaan. Patuloy naman umano ang pakikipagnegosasyon ng provincial crisis management committee upang mapalaya ang mga bihag, ayon kay Macapantar. "We are monitoring the situation. The crisis management team headed by Vice Gov. Sakalahul is in-charge of the negotiations," anang hepe ng pulisya sa Basilan. Kinilala naman ng pulisya ang may hawak kina Mendoza at Pilangga na sina Puruji Indama at Nur Hassan Jamiri na pawang lider ng ASG. Noong Oktubre 30, isa pang bihag ang pinalaya ng mga bandido matapos umanong magbayad ang biktima ng P2 milyon. Umaapela naman kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pamilya ng dalawa pang bihag na tulungang mapalaya ang mga biktima. Nanawagan din ang mga ito sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan na sagipin at tumulong sa negosasyon sa pagpapalaya sa mga bihag. "To the MILF, we are appealing to them to help us secure the safe release of the hostages. We know they can help us. We believe in your humanitarian side and goodwill. Development workers like Millet (Mendoza) look at you like brothers," pakiusap ni Merly Mendoza. - GMANews.TV