Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kapit sa patalim ng immigration


Maagang pagbati po ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon. Suportahan ko lang po yung ibinahaging liham ni Charry ng Singapore. Tama ang sinabi niya na lagayan sa immigration para makabalik kami rito sa Nigeria ay 12,000.00 php. Kababalik ko lang ulit nitong October at anim na beses akong umuuwi sa loob ng isang taon kaya anim na beses din akong naglalagay sa immigration. Malaki na po ang kinita nila sa akin at malaki rin naman ang naitulong nila sa akin. Kailangan naming patulan o kunsintihin ang immigration dahil kailangan kong bumalik sa trabaho para may ipangtustos sa pamilya ko. Wala ng kinikita ang POEA dahil hindi na kami nagbabayad ng OEC at PHILHEALTH, sa madaling sabi immigration fee lang ang problema namin para makabalik dito sa Nigeria. Sana mabigyan pansin naman ng ating gobyerno na alisin na ang ban to Nigeria para naman maging legal ang pagbalik namin dito.Hindi namin lubos maisip bakit kailangan i-total ban ang Nigeria gayung wala namang kaguluhan o giyera. Oo nga’t may nakidnap dito noon na mga Pinoy, sila ay mga sea worker na nadedestino sa ibat- ibang bahagi ng mundo. Nagkataon lang na nabiktima sila na napakalayo naman sa pinagtatrabahuhan namin. At meron ding nakidnap na isang Pinoy na nakalaya rin naman agad at isang babae na nakidnap daw na hindi naman totoo. Hindi naman siguro dapat pagbasehan yun para ideklara ng pamahaaan na gawing total ban ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Nigeria. - GMANews.TV Salamat po GMA Kapuso, Nigel Mga Kapusong Pinoy! Marami kaming natatanggap na papuri at pasasalamat mula sa ating mga kababayan sa abroad dahil sa ating Kwentong Kapuso. Nagpapasalamat sila dahil nabigyan sila ng puwang sa Pinoy Abroad section ng GMANews.TV na marinig ang kanilang saloobin. Ang iba naman na hindi nagbabahagi ng kanilang kwento ay ipinapahatid ang kanilang pasasalamat dahil nakakapulot sila ng aral at kaalaman sa mga Kapuso natin na nagpadala ng kanilang kwento. Mas marami ang nagsasabi na ang kwento ng iba ay kwento rin nila. Dito ay nalalaman nila na hindi lang sila ang dumadaan sa ganoong mga sitwasyon. Mga kwentong humaplos sa kanilang puso at nagpapatatag sa kanilang kalooban. Nais po naming ipaalam sa inyo mga Kapuso sa abroad na kami ang dapat magpasalamat sa inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong kwento. Ang bawat pagbubukas nyo ng inyong puso - malungkot man o masaya - ay nagbibigay sa amin ng kaalaman kung papaano ang buhay ng malayo sa bansa, lalo na sa mga mahal sa buhay. Hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man ito o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kaya naman wala lang, dahil walang magawa. Ang effort nyo na magbukas ng computer o laptop, at bisitahin ang ating GMANews.TV ay malaking pasasalamat na - papaano pa kaya ang maglaan kayo ng panahon na magtipa ng inyong kwento at ipadala sa amin - ay talagang nagpapataba ng aming puso. Kaya hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo po kami sa inyong pagsasakripisyo mga Kapuso. At maraming salamat sa inyong walang tigil na pagtitiwala.