Filtered By: Topstories
News

Bolante binalaang ipakukulong ng Senado


MANILA – Binalaan ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen Richard Gordon nitong Huwebes si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc" Bolante na ipakukulong kung patuloy na iiwas sa mga itatanong ng mga senador. Ang babala ay ginawa ni Gordon kaugnay sa gagawing pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite sa Biyernes kaugnay sa kontrobersyal na paggamit ng P728 milyong fertilizer fund. “Dapat magsalita ng katotohanan si Bolante sa pagdinig bukas (Biyernes). Dapat niyang itigil ang paligoy-ligoy sa myembro ng komite dahil nakasalalay ang kanyang kalayaan sa kanyang ibibigay na testimonya," pahayag ni Gordon. Sinabi nito na sampung senador na ang pumirma sa resolusyon na i-contempt si Bolante at maaaring maging dahilan para siya ikulong sa loob ng Senado. “If Bolante would keep to his evasive statements, then he would be cited for contempt and be detained in the Senate indefinitely. He would be arrested and detained right here in the premises of the Senate or wherever we decide to bring him and will remain there until he decides to be more cooperative," ayon sa senador. “There has been a motion to cite Mr. Bolante in contempt because of his evasiveness and what appears to some members of the committee as outright lying. The Senate’s contempt order is just waiting to be served," idinagdag niya. Ayon kay Gordon haharap muli sa Senado sa Biyernes ang mga regional field units director ng DA at si Bolante. Isasalang din sa pagdinig ang mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council at pribadong banko na nasabit sa testimonya nito. Pabor din umano ng ilang senador sa mungkahi na ipakulong si Bolante sa Pasay City Jail o National Bilibid Prison sakaling ipagtupad ng Senado ang contempt laban sa dating opisyal. Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na ang panukalang ipakulong si Bolante sa NBP o Pasay City Jail tulad ng ginawa ng Senado noong Mayo 15 1950 kay Jean Arnault. Base sa records ng Senado, ipinakulong ng Senado si Arnault sa NBP matapos itong magmatigas sa isang public hearing na pangalanan ang taong nagbigay sa kanyang ng P400,000 hinggil sa isang eskandalong iniimbestigahan ng Kongreso. Inaresto si Arnault, alinsunod sa kautusan ng Senado at dinala sa NBP ni dating OSSA chief Leon Nazareno dahil sa pagtatago ng impormasyon sa mga mambabatas. - GMANews.TV