Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Walang silbi ang ban!


Magandang araw Kapuso at narito muli ang aking liham. Marami pong salamat at mabuhay po ang buong Staff ng Pinoy Abroad at sa pamunuan ng GMA7. Ito’y malaking kahihiyan sa ating gobyerno na sa kabila ng mahigpit daw na ipinapatupad na ban sa Iraq ay patuloy pong lumulobo ang bilang ng mga manggagawang Pinoy sa Iraq . Ito’y pinatunayan mismo ng Iraqi government na dumarami ang bilang ng mga illegal na manggagawang Pinoy sa Iraq. umaabot na sa 15 thousand at wala pong kaduda-duda ‘yan dahil sila ay may hawak na talaan kumpara sa ating goberno na puro haka-haka lamang at walang basihan upang mapagtakpan ang kanilang kapalpakan. Nasaan ang pangil ng batas na pinagmamalaki nila; (1) Nandyan tatakan ang passport ng “Not Valid for Iraq ". Ang tanong natakot ba ang Pinoy? Labas, pasok pa nga eh sa Iraq dahil sa mahigpit na pangangailangan. At kaya ba ng ating gobyerno na magpasahod ng 30 thousand hanggang 80 thousand a month katulad naming ordinaryong manggagawa? (2) Nanghuhuli raw sa paliparan - hinuhuli ang walang lagay, paano yung 10 to 15 thousand magbayad ng escort. Malaking pera na ‘yan Tsong 20 minutes lang instant money agad. Ito’y patunay na walang silbi ang ban na ito at iilan sa ating goberno ay kumikita ng limpak-limpak na salapi at ginagawang hanap-buhay ng iilan sa atin mga kawani ng goberno. ‘Yan kaya ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw nilang alisin ang Ban, dahil mawawalan na sila ng kikitain? Aminin... Kamakailan lamang , nakikipag-usap ang Iraqi government at nagpahayag ng buong suporta na alisin na ang Ban sa Iraq at handa silang tumulong at magbigay ng milyong-milyong trabaho sa mga Pinoy. Subalit patuloy pong nagmamatigas ang paninindigan ng ating gobyerno sa usaping ito. At lalo lamang nilang ipinapahamak ang ating mga kababayan. Bakit kamo mapapahamak ang ating mga kababayan? 1. Gagawa at gagawa ng illegal na paraan ang ating mga kababayan upang marating ang Iraq. Kahit buong kabuhayan ay ibebenta o isasangla upang matakasan ang hirap ng buhay at lalo na’t handang kupkupin ng Iraqi government ang ating mga manggagawa. 2. Dahil sa illegal na pamamaraan, tiyak wala rin katiyakan ang kanilang destinasyon, kung saan-saang bahagi ng Iraq sila dadalhin at walang angkop na trabahong mapapasukan dahil sa huwad na kasunduan. 3. Walang sino mang mananagot o aako sa sasapitin ng ating mga kababayan sa hinaharap kung anong mangyayari. 4. Lalong kakapal ang mga bulsa ng mga buwaya sa goberno sa ganitong sistema at maglilipana ang mga illegal recruiters, mga manloloko at mandurugas. Ito ba ang nanaisin ng goberno para sa ating mga kababayan? Kung ang pangunahing layunin ng ating goberno ang kaligtasan ng ating mga kababayan, sana tanggalin na ang ban at gawing legal ang lahat at gumawa ng kongkretong panununtunan upang maiwasan ang kalunos-lunos sasapitin ng ating mga kababayan sa hinaharap. Sigaw ng marami tanggalin na ang Ban at gumawa ng kongkretong guidelines. Maraming Salamat po.. Ramon Aure Taji - Iraq