Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Apela ng OFW sa Afghanistan


Magandang araw po sa lahat at Maligayang Pasko po sa makauuwi ngayong Pasko sa Pinas. Bilang suporta din po sa lagayan sa Immigration. Ako po ay magbibigay din ng experience ko sa kanila. Ako po ay nagtatrabaho dito bilang isang IT/VSAT-TECH sa Afghanistan at mahigit 3 years na ako rito. Marami kaming mga Pinoy na nagtatrabaho rito kaya medyo malaki din ang kinikita ng mga Immigration officer sa amin at saka yung airport police. Pero ayaw ko lang silang pangalanan kasi nga naman tumutulong sila sa amin para makabalik dito sa Afghansitan. Kasi nga may total ban din dito gaya sa Nigeria at sa Iraq. Isipin nyo na lang kung magkano ang kinikita nila; bawat tao hinihingan ng P15,000 para lang makabalik dito sa Afghanistan. Kadalasan sa amin dalawang beses umuuwi sa Pinas sa loob ng isang taon kaya medyo malaki rin ang kinikita nila. Tama ang sinasabi ng isang nag-comment dito about sa lagayan sa Immigration na sana naman alisin na lang yung total ban sa Nigeria at sa Afghansitan kasi nga safe naman kami rito. Akala namin kami ang "Bagong Bayani" pero bakit hinihigpitan pa yung pagbabalik sa work place namin? Sana naman makarating itong article na ‘to sa mga nasa katungkulan sa gobyerno at mabigyan ng pansin ang ganitong lagayan sa Immigration. Dapat sana sa tuwing sasapit na ang araw ng bakasyon namin kami ay masaya dahil makauuwi na at makikita namin ang aming pamilya. Pero iba sa sitwasyon namin, nag-alala pa rin kami na baka ‘di na kami makakabalik kasi nga may travel ban sa work place naming. Kaya ang iba medyo mag-aalanganin pang umuwi ng Pinas at sa ibang bansa na lang tinatagpo ang kanilang pamilya. Malaking gastos yun kasi papupuntahin mo pa ang pamilya mo sa ibang bansa para lang makita sila. Nagagawa namin yun kasi nga sa takot na ‘di kami makabalik sa work place namin. Sa dinami-daming lahi na nagtatrabaho rito sa Afghanistan, Filipino lang ang medyo mahirap makabalik kasi nga dahil sa travel ban. Ang masakit pa rito, gustong mag-hire ng employer namin ng mga Pinoy dahil magagaling naman ang mga Pinoy compare sa ibang lahi, pero ‘di na sila kumukuha dahil nalaman nilang may travel ban. Kasi nga raw baka hindi na makakabalik pa. Bawat uwi rin namin sa Pinas magsa-sign kami ng agreement na kapag hindi kami makakabalik on time sa work place namin ay pwede na kaming tanggalin sa trabaho. Isipin n’yo na lang kung gaano kahirap ang naidulot ng travel ban na ‘yan. Sana naman kung alam ng editor ang email address ng nasa katungkulan sa ating gobyerno, paki-send naman ‘tong mga hinaing namin about sa lagayan sa Immigration. Hindi naman talaga siguro ‘yan maii-stop kasi nga mga airport police mismo ang nag-e-escort sa amin papasok hanggang sa loob na mismo ng departure area. Mr. Reyes from Afghanistan Mga Kapusong Pinoy! Marami kaming natatanggap na papuri at pasasalamat mula sa ating mga kababayan sa abroad dahil sa ating Kwentong Kapuso. Nagpapasalamat sila dahil nabigyan sila ng puwang sa Pinoy Abroad section ng GMANews.TV na marinig ang kanilang saloobin. Ang iba naman na hindi nagbabahagi ng kanilang kwento ay ipinapahatid ang kanilang pasasalamat dahil nakakapulot sila ng aral at kaalaman sa mga Kapuso natin na nagpadala ng kanilang kwento. Mas marami ang nagsasabi na ang kwento ng iba ay kwento rin nila. Dito ay nalalaman nila na hindi lang sila ang dumadaan sa ganoong mga sitwasyon. Mga kwentong humaplos sa kanilang puso at nagpapatatag sa kanilang kalooban. Nais po naming ipaalam sa inyo mga Kapuso sa abroad na kami ang dapat magpasalamat sa inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong kwento. Ang bawat pagbubukas nyo ng inyong puso - malungkot man o masaya - ay nagbibigay sa amin ng kaalaman kung papaano ang buhay ng malayo sa bansa, lalo na sa mga mahal sa buhay. Hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man ito o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kaya naman wala lang, dahil walang magawa. Ang effort nyo na magbukas ng computer o laptop, at bisitahin ang ating GMANews.TV ay malaking pasasalamat na - papaano pa kaya ang maglaan kayo ng panahon na magtipa ng inyong kwento at ipadala sa amin - ay talagang nagpapataba ng aming puso. Kaya hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo po kami sa inyong pagsasakripisyo mga Kapuso. At maraming salamat sa inyong walang tigil na pagtitiwala.