Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Marky's death alarming, says Tirso Cruz III


Kaninang tanghali, December 9, ay dumating ang seasoned actor na si Tirso Cruz III sa pangawalang presscon ng pelikulang Magkaibigan ng Maverick Films. Ang entry na ito sa 2008 Metro Manila Film Festival ay pinangungunahan nina Christopher de Leon at Senator Jinggoy Estrada; kasama sina Dawn Zulueta at Maricel Laxa, na parehong nagbabalik-pelikula. Halaw sa tunay na pagkakaibigan nina Senator Jinggoy at ang namayapang si Rudy Fernandez ang kuwento ng Magkaibigan, na mula sa panulat at direksiyon ni Joey Reyes. Sina Pip at Bobby Andrews ang gumaganap pa nilang barkada. Sa last shooting day pa lang ng pelikula nila, nasabi na ni Pip sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na hindi sila parang sina Phillip Salvador at Senator Bong Revilla ni Bobby sa kuwento. Sa tunay na buhay nga kasi, apat ang magkakaibigan. Pero sa pelikula, bale ang dalawa lang na mag-best friend na characters ang bida. MARKY'S DEATH. Isa si Pip sa unang nag-text sa amin noong Linggo ng hapon, December 7, kung totoong namayapa na nga ang third StarStruck Ultimate Male Survivor na si Marky Cielo. Dalawang magkasunod na shows kasi sa GMA-7 ang pinagsamahan nila—ang Sine Novela na Kaputol ng Isang Awit at ang primetime soap na Zaido: Pulis Pangkalawakan. Kuwento ni Pip, "Tinext ako ni Rebya [isa sa staff ng Zaido], ‘Tito, namatay na po si Marky.' Nagulat ako. Siyempre, ang inisip ko, baka disgrasya kaya nagtanong-tanong ako kung ano ang ikinamatay. Ang unang sabi, bangungot daw. Natakot naman ako kasi ang bunso ko, kaedad niya kaya kinabahan din ako na ang bata naman ni Marky para mabangungot. ‘Then, I've been hearing stories saka ko naalala yung nabasa ko lately tungkol sa mga kabataan ngayon. Sabi sa research, the youth of today daw cannot face life head on. Nagka-cop out agad sila kapag a big problem is in front of them. Naawa naman ako. Parang ngayon ko naaalala ang kakaibang value nang kami ang bata. We face whatever life brings us. "Ako, ang dami kong naging maling desisyon sa buhay. Nakakahiya mang aminin, hanggang ngayon, nagkakamali pa rin ako. Pero hinaharap ko, sasabihin ko, ‘Kaya ko ito!' Ganoon talaga, e, tao lang tayo nagkakamali, pero haharapin mo dapat," saad ni Pip. Maganda ang mga alaala ni Pip kay Marky. "Si Marky, pagdating sa set, babatiin lahat, hindi lang artista pati ang crew. ‘Tito, nandito na po ako. Sir, dito na po ako. Nandito lang po kapag kailangan n'yo.' Bagama't mabait at magaling at marespeto, napapansin din ni Pip na palagi lang nag-iisa si Marky. "Kaibigan niya ang lahat. Pero sa set, solo lang siya muna. ‘Sir, dito lang po ako kung kailangan n'yo na ako ha,' sasabihin niya palagi bago lalayo. Sayang, kung nakausap ko man lang siya, wala naman akong napapansing problema niya. Magkasunod ang naging trabaho namin noon sa Zaido tapos sa Kaputol," malungkot na sabi ni Pip. - Philippine Entertainment Portal

Tags: markycielo