Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Jukebox Queen' Didith Reyes cremated


MANILA, Philippines - Muling umagos ang luha sa mga mata ng mga kaibigan at kamag-anak ng namayapang dating singer na si Didith Reyes nang i-cremate nitong Martes ang kanyang mga labi. Sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabing nagpunta sa The Heritage Park and Crematory sa Taguig City ang mga kaibigan sa showbiz at mga dating ka-trabaho ni Didith sa isang beauty salon na pinasukan nito. Binasa naman ng anak ni Didith na si Arvi ang sulat na ipinadala ng kanyang kaibigan at kasabayan sa pagkanta noon na si Imelda Papil. “Sa totoo lang po sya ang aking idol and watching her performances is giving me the inspiration and drive to be worthy member of the music world," bahagi ng sulat ni Imelda na binasa ni Ervin. Naniniwala naman si Claire Dela Fuente, kaibigan at kasabayan din ni Didith, na masaya na ang dating tinuguriang noon na “Jukebox Queen" saan man ito naroroon ngayon. “I can see that in her face that she’s peaceful and so happy and she’s smiling, thinking that she’s smiling at me. I know she is," ayon kay Claire. Si Didith ay nakitang wala ng buhay sa loob ng bahay ng kanyang kaibigan sa Laguna noong nakaraang linggo. Atake sa puso ang pinaniniwalaang dahilan ng kanyang pagkamatay. Ngunit tatlong araw bago ito nasawi, sinabing nabundol ng sasakyan ang dating mang-aawit na nagresulta ng mga pasa at galos nito sa katawan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV