Filtered By: Topstories
News

Legarda o Escudero pambato ng NPC sa 2010 polls - Danding


MANILA – Alinman kina Senador Francis Escudero o Senador Loren Legarda ang posibleng maging pambato ng partidong Nationalist Peoples’ Coalition (NPC) sa 2010 presidential elections, ayon mismo kay dating ambassador Eduardo “Danding" Cojuangco. Ginawa ni Cojuangco, chairman emeritus ng NPC, ang pahayag nitong Martes sa Christmas party ng partido. Dumalo sa pagtitipon sina Speaker Prospero Nograles, presidente ng Lakas-CMD, at Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, presidente ng Kabalikat ng Malayang Pilipino. Ang Lakas at KAMPI ay kapwa kaalyado ng administrasyong Arroyo. Bukod sa mga kapartido ng NPC, dumating din sa Christmas party sina Senate President Juan Ponce Enrile, Education Sec Jesli Lapus, Tourism Sec Ace Durano, Transportation Sec Leandro Mendoza at Grace Poe, anak ng namayapang action king na si Fernando Poe Jr, ayon sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Martes. “Kung sino man sa kanilang dalawa (Escudero at Legarda) ang mangingibabaw sa survey pagdating siguro ng pilian yun ang kandidato naming presidente at yung matalo yun ang aming bise (presidente)," pahayag ni Cojuangco kay GMA reporter Sandra Aguinaldo. Sinabi naman ni Rizal Rep. Juack Duavit, NPC secretary general, na malaki ang papel na gagampanan ng kanilang partido sa 2010 presidential polls. “I think we will play a big part in 2010 elections. The number one and number two senators are from our party," patungkol ni Duavit kina Legarda at Escudero na nanguna sa 2007 senatorial elections. Itinatag ni Cojuangco ang NPC nang tumakbo siyang presidente noong 1992. Ngunit natalo siya kay dating pangulong President Fidel Ramos na kandidato noon ng Lakas-NUCD. Sa huling survey ng Social Weather Station at Pulse Asia sa mga tinatawag na “presidentiables," mas mataas ang rating ni Legarda kumpara kay Escudero. Ngunit si Legarda ay nasa likod lamang nina Vice President Noli de Castro at dating Senate President Manny Villar. Sa presidential table sa Christmas party ng NPC, kapuna-puna na kasama ni Cojuangco sina Enrile, Nograles, at Villarfuerte, na pawang kaalyado ni Pangulong Gloria Arroyo at sumusuporta sa charter change. Ayon kay Aguinaldo, tumanggi si Cojuangco na pag-usapan ang tungkol sa charter change. Ngunit ayon sa anak ni Cojuangco na si Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, pabor ang kanyang ama sa cha-cha basta hindi tatalakayin ang term extension ng pangulo. “My father is always been supportive of charter change because he believes that a parliamentary system is a better form of government," ayon sa nakababatang Cojuangco. Samantala, sinabi ni Grace, hinihikayat na tumakbong senador sa 2010, na prayoridad niya ang pagtutol sa cha-cha at pagsusulong ng reporma sa halalan. “Right now my focus is on electoral reform and anti-chacha. So it is nice to converse with some of them and hopefully know their views are and share mine," ayon kay Grace. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
LOADING CONTENT