Filtered by: Topstories
News

Larawan ni Arroyo binato ng sapatos


MANILA – Binato ng sapatos ng militanteng grupo ang larawan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tila ginaya sa ginawang pagbato ng sapatos ng isang galit na Arab journalist kay US President George Bush. Tinatayang 50 myembro ng grupong Migrante ang nagprotesta sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Maynila nitong Huwebes kaugnay sa kapabayaan umano ng pamahalaan na bigyan ng pansin ang kapakanan ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs). Sa panayam kay Gary Martinez, opisyal ng Migrante, sinabi nito na hindi magtatagal ay personal ng mababato ng sapatos si Arroyo. “In the anger of OFWs, it’s not impossible for Arroyo to experience what happened to Bush in Iraq," pahayag nito. Idinagdag pa niya na ang pagbato ng sapatos ay magiging kapareho na rin ng mensahe na nais iparating sa pagbato ng bulok na itlog o kamatis. “It just shows we no longer respect her as a leader," ayon kay Martinez. Bukod sa pagbato ng sapatos sa larawan ni Arroyo, pinadalhan din ng Migrante ng “regalo" si DFA Undersecretary Esteban Conejos Jr., na naglalaman ng kanyang resignation letter. Sinabi ni Martinez na nagtatago si Conejos mula pa nang matapos ang 2nd Global Forum on Migration and Development noong Oktubre na ginawa sa Maynila. Matatandaan na nakuha ni Al-Zeidi, isang correspondent sa Al-Baghdadia television, ang atensyon ng mundo nang dalawang ulit nitong batuhin ng sapatos si Bush sa isang press conference . Kasabay ng pagbato ni Al–Zeidi ng sapatos ay sinabihin nito si Bush sa wikang Arabic na “"this is a farewell kiss, you dog!" Mabilis na nailagan ni Bush ang dalawang sapatos at dinakip si Al-Zeidi. Kumpyansa naman si Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi mangyayari kay Arroyo ang nangyari kay Bush dahil “disente" umano ang mga mamamahayag sa Pilipinas. - GMANews.TV
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
LOADING CONTENT