Filtered By: Topstories
News

Kalihim ni Arroyo sangkot sa gulpihan sa golf course sa Antipolo


MANILA – Isang kasapi ng Gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at anak nitong alkalde sa isang bayan sa Mindanao ng inireklamo ng panggugulpi sa loob ng isang golf course sa Antipolo City noong Biyernes. Sa ulat ng isang himpilan sa radyo nitong Sabado, kasama umano si Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman Sr. sa insidente ng pananakit sa dalawang myembro ng pamilya Dela Paz na naglalaro sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo nitong Biyernes. Bukod kay Pangandaman, sangkot din umano sa gulo ang anak nito na si Masiu, Lanao del Sur Nasser Pangandaman Jr, at ilang mga bodyguard. "Hindi ninyo ako kilala. Ang yabang-yabang mo, ang tapang-tapang mo, mag-ingat ka," kwento ni Delfin de la Paz, 56-anyos, sa binitiwang pahayag umano ng kampo ng kalihim matapos ang insidente. Sa ulat ng dzRH radio, nagreklamo umano ang pamilya Dela Paz sa Antipolo police nitong Biyernes ng gabi ng kasong physical injuries at violation of the law protecting women and minors kaugnay nang naganap na insidente sa Valley golf club. Kasama umano ni Dela Paz ang kanyang mga anak na sina Bino, 14-anyos at Bambi, 18-anyos, nang mangyari ang insidente dakong 1 p.m. Biyernes. Nagalit umano sa kanila ang mga Pangandaman nang sitahin dahil sa pag-una sa kanila sa pagpwesto sa isa sa mga hole sa golf course. Sinasabing “nainip" umano ang nakababatang Pangandaman sa paglalaro ng mga Dela Paz. Sinabi ng nakatatandang Dela Paz na pinagtulungan silang gulpihin ng kanyang anak na si Bino ng mga bodyguard ng mga Pangandaman. Habang umiiyak naman sa pag-awat ang kanyang anak na si Bambi. Nang makaalpas, nagtungo umano ang pamilya Dela Paz sa clubhouse at doon sila sinundan ng kalihim at anak nito kasama pa rin ang mga bodyguard. Huli na umano nang dumating ang pamunuan ng golf course kasama ang mga security personnel, ayon kay Dela Paz. Dinuro pa umano ng alkalde ang nakababatang si Bino at sinabihan na, "tatandaan kita." Idinagdag ng nakatatandang Dela Paz na bumunot ng baril ang mga bodyguard ng mga Pagdanganan nang makitang dumating ang kanyang asawa at isa pang anak na may dalang baseball bat. Pinayuhan umano ng mga security personnel ang Dela Paz na umalis dahil, “napakalaking tao ‘yan." Kontra reklamo Hindi kaagad makuha ang reaksyon ni Sec Pangandaman sa insidente ngunit inulat sa isang himpilan ng radyo na naghain ng reklamo sa Mayamot police station ang anak nitong si Mayor Pangandaman. Inireklamo ng nakababatang Pangandaman ang mga Dela Paz ng pananakit at pagbabanta. Sinabi ng alkalde na maayos niyang kinausap ang nakatatandang De la Paz ngunit pinalo umano siya ng hawak nitong payong at nagbitiw ng masasakit na salita. Ito rin umano ang unang naghamon ng away. Inamin naman ng nakatatandang Dela Paz na nahagip niya ng payong ang isa sa mga bodyguard ng alkalde dahil kailangan niyang idepensa ang sarili. Nanood lang ang kalihim Sa Internet blog ni Bambi De la Paz, ikinuwento nito ang nangyaring insidente sa golf course na kinasangkutan nila at mag-amang Pangandaman at mga bodyguard nito na nag-ugat umano sa sa panuntunan sa paglalaro ng golf. Nakita umano ni Bambi kung papaano sinaktan ng alkalde ang nakababata niyang kapatid na si Bino kahit nakikiusap na ang huli. Nagsisigaw din umano ang alkalde sa caddy nito na: Hindi nila kami kilala! Sabihin mo nga sa kanila kung sino ako." “I lash out, but my dad held me back. I was screaming my lungs out, shouting to this mayor, telling him about what he had done. I said: ‘Nakakahiya kayo. Singkwenta'y sais anyos ang tatay ko. And kapatid ko kakatorse anyos. Anong ilalaban nila sa’yo?),’" nakasaad sa blog ni Bambi. Sa loob ng clubhouse, nakita umano ng isa pa nilang kapatid na nagdurugo ang kanang taenga ni Bino kaya ito nagalit. Dito umano bumunot ng baril ang dalawang bodyguard ng alkalde. “I am pretty sure the Secretary of DAR did not take part in the fight, but he just watched all this happen. He watched two of his sons, as we figured out, the other guy was his son, too, beat up my father and my 14-year-old brother. He didn't do anything to stop it. And this person is what now? A Cabinet member. A politician," pagpapatuloy ni Bambi. “The world has gone crazy. Two politicians beat up a defenseless 56-year-old father and his 14-year-old son. At a golf course. I swear to God, I thought golfers were decent people. You would think politicians were decent people. I guess not. I guess they gang up on 56-year-old men and beat up pleading 14-year-old kids," idinagdag niya. Naghihinanakit din si Bambi sa kanyang blog dahil wala umanong security guards sa clubhouse na tumulong sa kanila upang pigilin ang pananakit sa kanyang ama at kapatid. Takot din umano ang mga tauhan sa golf course na ibigay ang pangalan ng mga sangkot sa gulo. – GMANews.TV
LOADING CONTENT