Filtered By: Topstories
News

Multo nangopya ng buhay?: 4 run-away OFWs sa Jeddah sinapian


JEDDAH, Saudi Arabia – Nabalot ng takot ang shelter house ng Philippine Consulate General sa bansang ito nang sapian umano ng masamang espiritu ang apat na distressed Filipina workers makaraang makakita ng “doppelganger" sa banyo ang isa nilang kasamahan. Ang doppelganger ay tawag sa multo o espiritu na gumagaya o kumokopya sa anyo ng isang buhay na tao. Pinapaniwalaan na nakatira sa isang puno ng balete sa likod ng shelter house ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) sa Jeddah ang masamang elemento na sumapi sa mga OFW na naganap nitong linggo lamang. Sinabi ni OWWA Welfare Officer Nini Lanto na nagsimula ang pagsanib sa apat na OFWs na sina Jocelyn Zeromines, Farhana Umba, Fatima Jimlan at Usman Gloria dakong 9 ng gabi. “Nagulat talaga ako sa nakita ko. Ibang-iba ang kanilang mga itsura at nakita ko ang takot sa lahat ng mga nandoon," kwento ni Lanto. Ayon kay Zeromines nagsimula ang kababalaghan nitong Lunes ng umaga nang magalit ang isa sa kanila dahil sa nawawalang sim card ng cellular phone. "Sa bigla pong pagkawala ng kanyang sim card ay may isa po kaming kasama ang nagsabi na may nakita siyang babae na nanalamin bandang 3 am nang magpunta sa palikuran. Ang nakita raw po na mukha ng babaeng nanalamin ay ang mukha ng isang kasamahan nila na nakita niyang tulog na tulog," ayon kay Zeromines. Idinagdag niya na doon na lumakas ang pagtatalo ng mga OFWs hanggang isa sa kanilang kasamahan ang nagalit dahil naabala ang pagtulog nito. Sinabi naman ni Jennebel Cuaresma na nagalit siya dahil sa ingay ng kanyang mga kasamahan sa pagtatalo kaya nakapagbitiw ng salita na hindi nya akalain na mangyayari kinagabihan. "Narinig ko kasi yung isa na nagsabi na bakit daw nagpapaniwala kaya sinabihan ko sila na kung hindi kayo maniwala sige tingnan nyo mamaya may sasaniban," kwento ni Cuaresma. Ayon kay Lanto kaagad siyang nagpatulong sa mga born again nang makita ang sunod- sunod na sinasapian na mga babae para ipa-pray over. Idinagdag ni Zeromines na sinasapian umano si Umba nang lumapit siya para makiusyuso. Hindi nagtagal ay naramdaman umano niya na tumayo ang kanyang balahibo kaya nagpasyang bumalik sa kanyang kuwarto. Sa kwarto ay naramdaman niya ang pagsakit ng kanyang ulo, tiyan at dibdib. Kaagad umano siyang humingi ng tulong sa mga kasamahan para magdasal at ang mga sumunod ay hindi na raw nya naalala. "Hindi po talaga ako naniniwala sa mga sapi-sapi na ‘yan pero sa nangyari sa akin ngayon ang masasabi ko lang ay totoo pala talaga iyon," pagtatapat ni Zeromines. Sinabi ni Lanto na nanumbalik na sa normal ang center at pinayuhan ang mga distressed OFWs na manatiling matibay ang pananampalataya anuman ang relihiyon nila. Tinatayang 70 domestic helper ang nasa pangangalaga ng OWWA shelter na karamihan ay biktima ng pang-aabuso ng mga amo o hindi nababayaran ng tamang sahod. – Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV