Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lolit Solis says Hayden admitted affair with Rufa Mae


Tila hindi pa matatapos ang kontrobersya sa hiwalayan nina Dra. Vicki Belo at nobyo nitong si Dr. Hayden Kho matapos isiwalat ng TV host na si Lolit Solis na naging karelasyon ng gwapong duktor ang sexy comedienne na si Rufa Mae Quinto. Sa kabila ng mga ulat na pambabae ang dahilan kaya hiniwalayan ni Dra. Vicki si Dr. Hayden, ilang ulit ding itinanggi ni Rufa Mae, o P-chie, na nagkaroon sila ng relasyon ng binatang duktor. Bagaman ang seksi Kapuso star na si Katrina Halili ang kinumpirma sa telebisyon ni Dr. Hayden na nakarelasyon niya habang sila pa ni Dra. Vicky, isiniwalat naman ni Lolit, host ng entertainment TV show na "Startalk" nitong Sabado na inamin mismo ni Dr Hayden na naging karelasyon din nito si Rufa Mae pagkatapos ng ugnayan nila ni Katrina. "Ewan ko bakit nasali ako sa love affair ni Vicki Belo at Hayden Kho. Eto nandyan naman si Ricky Lo [host din ng show], masasabi nya ‘yan," pasisiwalat ni Lolit. "Talaga hindi sya makapagkakaila na sinabi sa amin ni Dr. Hayden na hindi nya lang inamin si Rufa Mae on cam dahil ayaw nya na maraming kaaway. Pero ang totoo talagang naging sila ni Ruffa Mae after kay Katrina." Ginawa ni Lolit ang rebelasyon nang tanungin ng co-host na si Joey de Leon kung bakit nasabi ni Rufa Mae na nasaktan siya sa mga sinasabi ng una. Sa hiwalay na interview ng "Startalk," sinabi ni Rufa Mae na naapektuhan siya sa kanyang mga naririnig tungkol sa pag-uugnay sa kanya kay Dr Hayden. “Kung ano man po ang naririnig ko talagang naapektuhan ako kasi nga parang hindi ko ini-expect na marinig, pero narinig ko lang naman hindi galing sa akin," ayon kay Rufa Mae. "Na ang ending po kasi sobrang nirerespeto ko kayo. Nagpapasalamat ako dahil alam kong love nyo ako kahit na napagsasabihan nyo ko or tinatakot nyo ko. Alam ko naman na matindi ang timbang nyo sa akin." "Para sa akin siguro kailangan din lang nating magkita para magkausap pero naa-appreciate ko po lahat at tutulungan nyo ako sa 'Singles' movie ko," idinagdag ng seksing aktres. Nang matapos ang taped interview kay Rufa Mae, dito na tinanong ni Joey si Lolit kung talagang naging karelasyon ni Dr. Hayden si Rufa Mae bukod kay Katrina. "Hindi inamin ni Dr. Hayden [on cam] kaya tuloy akala ni Rufa Mae ako lang ang nagsasalita ng ganun. The truth is sinabi talaga yun ni Hayden noh. Ayan si Ricky Lo makapagpapatunay," pagdiin ni Lolit. Nang tanungin ni Joey si Lolit kung ano ang mensahe nito kay Rufa Mae, hirit ng TV host: "Basta ito ang masasabi ko: Rufa kung noon nga kay [Senador Ramon] Bong Revilla hindi kita pinakialaman, ngayon pa kita pakikialaman e wala naman akong koneksyon kay Hayden." "Kaya nga 'wag ka nang ma-hurt kasi pinabayaan ko yung kay Bong noh! Eh ‘di pababayaan ko rin ‘yan ngayon at least magagamit mo ‘yan sa pelikula mong 'Singles'," hirit pa ni Lolit. - Fidel Jimenez, GMANews.TV