Filtered By: Showbiz
Showbiz

Katrina speaks up about her affair with Hayden


"Kung hanggang dito na lang [ang career] ko, wala akong magagawa," says Katrina Halili in the aftermath of her involevement in the Hayden Kho-Vicki Belo breakup. Binigyan ng belated birthday party ng Fanatxt at NMI (New Media Inc) si Katrina sa Barrakz bar and restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, nitong January 11. Katrina turned 22 years old last January 4 at sa States niya ito isinelebreyt, kasama ang kanyang boyfriend na si Kris Lawrence at sumunod naman ang manager ng sexy actress na si Rommel Gacho. January 7, bumalik sa Pilipinas si Katrina dahil kailangan niyang magbalik-taping para sa fantaserye na Gagambino. Hindi siya iniwan ng kanyang fans para sa delayed birthday celebration niya. Dumating din si Sunshine Dizon at ang ina niya in support of her co-star and friend sa upcoming GMA Films movie na “Sundo." Nagpaumanhin muna si Katrina sa amin na hindi na siya nakasagot sa mga text namin noong kasagsagan ng issue sa kanila ni Hayden. Sabi ng kanyang adviser na si Omar Sortijas, forethought na niyang ipinagpalit ng number ang kanyang alaga bago pa man lumabas ang lahat dahil alam nilang kapag sumabog ang issue, baka lalong makagulo kung lagi na lang siyang magsasalita. Isang beses pa lang nagsalita si Katrina tungkol sa issue, bago sila umalis ni Kris patungong States at pagkatapos niyang malaman na una palang nagsalita si Hayden sa kanilang naging sitwasyon. Malaki pa rin ang galit ni Katrina dahil sa pagsasalita ni Hayden. Sa nasabing party, pumayag si Katrina ng isang no holds barred tell-all interview, ngunit may ni-request lang siyang ilang detalye na i-off the record. THE EFFECT. Ang unang tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanya ay kung sa palagay niya ba'y nakaapekto ang issue sa kanyang unang pelikula para sa OctoArts Films, ang “One Night Only." Bagamat isa sa pinakamatinong pelikula na kalahok noong 2008 Metro Manila Film Festival, pang-anim lang ito at dalawang pelikula lang ang nilamangan nito—ang Dayo Sa Mundo Ng Elementalia at Magkaibigan. "Siguro po nakaapekto talaga," sagot ni Katrina. "Hindi naman alam ng tao kung ano talaga ang totoo, hindi nila alam kung ano ang paniniwalaan. Hindi ko sila masisisi. Nalungkot ako kasi hindi naman natin hawak ang mga pangyayari." Dapat sana'y umupo na sila ni Orly Ilacad para sa remake ng “Miss X" na naka-schedule na magsimula ngayong buwan nito. Walang alam si Katrina kung ano na ang susunod na mangyayari dahil hihintayin nila ang pagbabalik ni Rommel Gacho para makipag-usap sa OctoArts. BELO ENDORSER. Inamin naman ni Katrina na dahil sa kontrobersiya, isang endorsement ang na-pull out sa kanya, isang uri ng whitening soap. Tinanong din namin sila ni Omar kung may papasok sanang bagong endorsement pero na pull-out agad, wala pa naman daw. Tinanong namin si Katrina kung ano ang mangyayari sa Belo Medical Group, kung saan isa siya sa mga endorser. Nagulat kami sa una niyang sinagot. "Never akong nagkaroon ng kontrata sa Belo," aniya. "Mabait sila sa akin, nakatulong din naman sila kaya binabayaran ko ito ng kung ano naman ang magagawa ko. Pero hindi ako kailanman nagpabayad sa kanila. "Kung may pictorial ako, binibigyan ako ng honorarium. Pero ganoon lang, wala akong ibang natatanggap. Hindi rin ako nagpepresyo kung ano ang bibigay nila sa akin sa mga pictorial. Kung ano lang ang ibigay nila, nagpapasalamat na ako." So, hindi totoong ipu-pull siya sa mga billboard ng Belo. "May isang pinullout na billboard, sa Trinoma. Pero sabi nila, tapos na kasi ang kontrata doon. Pero yung sa airport, nandoon pa rin, hindi inalis." THE AFFAIR. Kailan sila unang nagkakilala ni Dr. Hayden Kho, ilang buwan sila tumagal at kailan ito natapos? "2007 pa noong rehearsal para sa Celebrity Duets [kung saan kasali si Hayden sa first season]. Pinagpares kami sa isang kanta, tapos naging makulit na siya," pagsisiwalat ni Katrina. "Alam n'yo, hopeless romantic ako, e. Nakakatawa nga, nagpupunta pa kami ni Omar kung saan-saan, naglolokohan kami, baka sa mga pinupuntahan namin makakita ako ng love ko. Tapos ‘eto siya [Hayden], dumating sa buhay ko na wala akong boyfriend. "Alam mo naman sa pag-ibig, tanga lahat, bulag. Ang tingin ko sa kanya noon, little boy lost. Kinukulit-kulit ako sa text; ako naman napaniwala." Sinundot namin ang explanation ni Katrina na alam niya namang sina Dr. Vicki at Hayden noon, bakit niya pa pinasok? "Aaminin ko po tanga kasi ako sa pag-ibig," sagot niya. "Pero sana maintindihan ng lahat na iba ang kuwento sa akin ni Hayden noong panahon na yun. Ang masama pa, hindi lang naman ako noong panahon na kami, ang dami niyang babae!" "Pupunta ako sa bahay niya, may hinahatid siyang Brazilian. Aalis ako at hahabulin niya ako mag-e-explain, kaibigan niya lang ito. "Papunta siya sa akin, sasabihin niya may dinaanan lang muna siya. Iba pa, tatanungin ko bakit siya nagpunta doon, kasi daw friend niya ito at kinu-comfort niya. "May nakakita sa kanya at isa pa, idinenay niya. May isa pa siyang nilalandi noon na nung tinanong ko mismo yung babae kung sila, oo daw. "Ako ang unang lumayo," sabi ni Katrina. "Ako ang nagsabing, ‘Tama na, mali itong ginagawa natin.' Ako ang nag-correct ng kamalian ko." THE REVELATION. Apat na buwan lang daw sila naging mag-on ni Hayden at ito ay noong 2007. Pumutok ang balita dulo ng 2008, mahigit isang taon na silang wala. "Kaya ako nasaktan, bakit ako lang ang binulgar niya? Bakit yung sa amin ang pinag-usapan niya?" himutok ni Katrina. Noong interbyuhin daw ni Lhar Santiago si Hayden, tinawagan niya muna si Katrina. Ang nakatanggap ng tawag, si Omar. "Ang unang tanong sa amin, nagkuwento raw ba si Katrina," pagdurugtong ni Omar sa kuwento. "Ang sabi ko hindi, pero nag-usap na sina Dra. Vicki at Katrina, at umamin na si Katrina." Tapos, nag-sorry raw si Hayden sa kanila, pero hindi pa nila alam kung bakit. Saka na lang nalaman kung bakit nang biglang ibinulgar ni Hayden ang sa kanila ni Katrina. "Hindi naman ako ang pinakahuli," sabi ni Katrina. "Hindi naman ako ang nahuli, ako pa nga ang umamin kay Dra. Vicki nang tinanong na ako, bakit ako ang sinisi?" Totoong nag-usap daw sila ni Dra. Vicki nang masinsinan, pero wala raw naging confrontation na naganap. Alam na ni Katrina na kahit ang meeting ay para sa Belo endorsement, nang pinalabas na sa kuwarto si Omar para sila na lang ang matira, naramdaman ni Katrina na si Hayden ang pag-uusapan nila. THE VIDEO. May video raw sila ni Hayden? "Walang ganoon, wala kaming sex video," diin ni Katrina. "May dalawang video akong alam, una nung nagsasayaw ako kay Hayden. Pero para sa Celebrity Duets practice namin ito. Si Omar ang kumuha nito sa cell phone niya at na-forward lang kay Hayden." May isa pa raw na video silang dalawa ni Hayden, pero usapan lang ang nangyari. "Sweet-sweetan lang na usapan, siya ang kumuha. Hindi ko na matandaan kung kailan," sabi ng two-time FHM Sexiest Woman. Nang pumutok ang balitang may sex video, tinanong agad nina Katrina at Omar kung ano ito. Si Hayden ang personal na nagsabi sa kanila na walang ganito. Sa kakakulit daw ni Omar kay Hayden, nag-text back na si Hayden sa kanya na forwarded sa amin: "Ang kulet mo, Omar, wala ngang video, eh. Ipakita mo sa akin bago mo ako husgahan." "Nuong nabalitaan kong nag-suicide [attempt] siya [Hayden], naawa pa naman ako sa kanya," sabi ni Katrina. "Matagal na kaming tapos, pero siyempre nakakaawa pa rin iisipin mo ano ba ang pinagdaan nito para mag-isip na mag-suicide. Tapos, magaganito ako. "Alam kong mali ang ginawa ko. Matagal ko nang alam ito kaya ako na lumalayo sa kanya. Noong nagpa-interview siya, gusto niya pang makipagkita sa akin. Sabi ko, ‘Bakit pa?' Ayoko na siyang makita. Pagkatapos akong maganito?" May mga text pa raw sa kanya si Hayden, pero hindi na niya ito sinagot. Isa ito sa dahilan kung bakit siya pinagpalit ng number ni Omar. Hindi naman pinagsisisihan ni Katrina na lumabas na ito. "Pasko pa ito lumabas, so sabi ko gift na rin sa akin ito. Ang tagal kong itinago. So ngayon, handa na ako nung pumutok ito. Hindi na ako matatakot." Kung ito ang naging "Christmas gift" niya, ano naman ang kaniyang birthday wish para sa sarili niya? "Nakuha ko na, peace of mind. Kasi lumabas nang lahat," aniya. " Basta ngayon, tatanggapin ko ang lahat ng lumabas at mangyari sa akin kasi kasama yun sa pagbabayad ko sa pagkakamali ko." Ano ang natutunan ni Katrina sa isyu na ito? "Huwag magtitiwala sa tao basta-basta." - Philippine Entertainment Portal
LOADING CONTENT