Filtered By: Topstories
News

‘Balikatan’ sa Bicol tinutulan ng obispo


LEGAZPI CITY – Isang Obispo sa bayang ito ang nagpahayag ng pagtutol sa nakatakdang RP-US Balikatan military exercises sa Bicol region simula sa Abril. Inihayag ni Bishop Lucilo Quiambao na wala siyang nakikitang magandang maidudulot ng nasabing aktibidad at pagpunta ng mga dayuhan sa rehiyon. Nangangamba umano si Quiambao na baka lumaganap ang prostitusyon sa anim na lalawigang sakop ng Bicol kung dadami ang mga dayuhan dito. Bukod pa rito ang takot na tumaas ang kaso ng mga magkakaroon ng nakamamatay na sakit na AIDS. Sinabi ng obispo na hindi niya nais mangyari sa Bicol ang panghahalay umano ng isang sundalong Amerikano sa isang dalaga sa Subic, Zambales na binansagang si "Nicole." Marami rin umanong maiipit na sibilyan sakaling magkaroon ng matinding labanan ng mga militar at mga rebelde kapag dumagsa ang mga dayuhang sundalo sa Bicol. Para sa katahimikan ng mga mamamayan sa rehiyon, nanawagan si Quiamboa sa mga gobernador ng anim na lalawigan sa Bicol na huwag pahintulutan ang sabay na pagsasanay ng mga sundalong US at Pilipinas. Nagpahayag din ng pagtutol si Sister Ailyn Binco ng Religous of the Good Shepherd, sa Balikatan dahil sa takot na magkaroon ng kaso ng pang-aabuso sa mga Filipina sa kamay ng mga dayuhan. - GMANews.TV