Filtered By: Showbiz
Showbiz

Susan Roces recalls memories of Berting Labra


Isa si Susan Roces sa mga unang dumalaw sa burol ng yumaong actor na si Berting Labra, na isa sa mga paboritong “sidekick” sa pelikula ng pumanaw niyang mister na si Fernando Poe Jr. Sa Chika Minute portion ng “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing naging emosyunal ang “reunion” nina Susan at Placida Labra, ang biyuda ni Berting. Ayon kay Gng. Labra, si Susan ang tumulong sa kanilang pamilya nang makulong si Berting ng halos 12 taon mula noong 1969. “Nang si Berting ay makulong ng 12 taon, talagang ang tumulong sa amin (ay) si Susan,” pag-alaala ni Mrs. Labra. “Nabilanggo si Berting na matagal-tagal ding panahon. Nagkikita pa kami noon ni Pida, maybahay ni Berting. Tapos nang makalaya na si Berting hindi na kami nagkita, ngayon na lang uli,” malungkot namang kuwento ni Susan. Sinabi ni Susan na masayang kasama sa trabaho si Berting, na nagsimula bilang isang child star. Bago pa man daw nakilalang sidekick ni FPJ sa pelikula, unang nakaeksena ni Berting ang ama ni “Da King” na si Fernando Poe Sr. “Marami silang pelikulang ginawa. Nang lumaon nagkaroon na nga ng sariling production si Ronnie (FPJ) at paminsan gumagawa sila ng pelikula sa FPJ (production). Masaya si Berting, nakasama ko na rin siya sa pelikula,” ani Susan. Isa sa mga pinakapatok na pelikula na pinagsamahan nina FPJ at Berting ay ang “Low Waist Gang” noong 1957. Napag-alaman din na 25-taong nalayo si Berting sa kanyang pamilya nang magkaroon ito ng pangalawang pamilya. Noong nakaraang linggo ay nagpasundo raw si Berting sa kanyang mga anak paglabas ng ospital dahil nais na raw nitong umuwi sa kanilang bahay. “Noong Martes nakakakusap pa siya. Hinagap niya ang kamay ko, pinisil niya nang mahigpit at ang sabi nya, ‘Pida patawarin mo ako, pinagsisihan ko ang mga nagawa ko sa ‘yo pati sa mga anak ko,” kuwento ng biyuda ni Berting. Si Berting - Roberto Labra sa totoong buhay - ay pumanaw noong Martes sa sakit na emphysema. Siya ay 75-anyos. Kasalukuyang nakalagak ang kanyang mga labi sa Garden of Memorial Park sa Pateros. Sa Linggo ay nakatakda siyang ihatid sa huling hantungan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV