Filtered By: Topstories
News

1 pang talunang kandidato sa 2007 polls nabigyan ng pwesto


MANILA – Mahigit isang taon bago ang 2010 presidential elections, itinalaga ng Malacanang si dating Sen. Tessie Aquino-Oreta bilang pinuno ng Early Childhood Care and Development Council (ECCD) na nasa ilalim ng Office of the President. Si Oreta ang pinakabagong binigyan ng pwesto ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo mula sa hanay ng mga natalong kandidatong senador ng administrasyon noong 2007 elections. Nitong Miyerkules, sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi "accommodation" ang pagtatalaga kay Oreta dahil may mahalagang tungkulin ang ECCD sa lipunan. Si Oreta ay kapatid ni Lupita Aquino-Kashiwahara, ang image consultant ni Gng Arroyo. Nataon ang pagtatalaga kay Oreta sa panahon na mainit ang diskusyon sa ipinapatupad na rationalization program ng pamahalaan kung saan libu-libong kawani sa gobyerno ang inaasahang matatanggal sa trabaho. Ayon sa Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), aabot sa 420,000 kawani sa pamahalaan ang posibleng mawalan ng trabaho sa harap ng nararanasang global economic slowdown. Bukod kay Oreta, ang iba pang natalong senador ng administrasyon sa ilalim ng Team Unity noong 2007 elections ay sina: - Vicente Sotto III, pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB). - Ralph Recto, pinuno ng National Economic and Development Authority; - Prospero Pichay Jr., pinuno ng Local Water Utilities Administration; - Luis “Chavit" Singson, Deputy National Security Adviser at; - Michael Defensor, acting chairman ng Philippine National Railways (PNR). Ang mga hindi nabigyan ng posisyon na kasama rin sa TU ay sina Cesar Montano, Sultan Jamalul Kiram III, at dating Zambales Gov. Vicente Magsaysay - GMANews.TV