Filtered By: Topstories
News

Kongresistang pabor sa ‘Cha-cha’ marami na - Rep. Mikey Arroyo


MANILA – Sinabi ni Presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo na marami ng kongresista ang nakumbinsi ni Speaker Prospero Nograles upang suportahan ang pagkilos na amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly. Ang pahayag ay ginawa ni Arroyo kasabay ng kanyang pagtanggi na pinipilit ng Malacanang ang mga kongresista upang suportahan ang Charter change. Sa ulat ng QTV’s “News on Q" nitong Miyerkules, iginiit ni Arroyo na hindi dapat bigyan ng malisya ang ginagawang paghimok ni Nograles sa mga mambabatas na pumirma sa resolusyon na nagpapatawag ng Con-ass sa mga senador at kongresista. Bilang lider ng Kamara de Representantes, sinabi ni Arroyo na kasama sa trabaho ni Nograles na kausapin ang mga kasamahan nito sa kapulungan. “He (Nograles) believes in something, so he tries to convince his colleagues, and believe me many have convinced already," paliwanag ni Arroyo kay GMA News reporter John Consulta. Nanindigan naman si opposition Sen. Panfilo Lacson na hindi makikiisa sa Charter change ng mga kongresista ang mga senador. “The Lower House can’t to it (Con-ass) alone. Kami (senators), we will fight for the institution which is the Senate," pahayag ng senador. Una rito, sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali, miyembro ng Liberal Party, na dalawang ulit siyang pinakiusapan ni Nograles na suportahan ang resolusyon para sa Con-ass. “Actually nakikiusap talaga siya (Nograles)… ang sabi nya sa amin gusto lang naming na maipadala ito (Con-ass issue) sa Supreme Court," kwento ni Umali. Idinagdag naman ni Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla, na nilapitan din siya ng ng mga kaalyado ni Nograles pero hindi siya pumirma sa resolusyon. “’Pag tayo ay naging constituent assembly anything goes. Hindi lang yung economic provision but any provisions of the Constitution pwede ng buksan," paliwanag nito. Inihayag kamakailan ni Nograles na 17 pirma na lang ang kulang sa Con-ass resolution na hindi pa naihahain ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte upang makumpleto ang 197 pirma na kakatawan sa three-fourths membership ng Kamara at Senado. Sinabi naman ni House Majority Leader Arthur Defensor na kapag naihain na ang resolusyon ni Villafuerte, kaagad silang maghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang alamin kung pwede o hindi na bumoto ng magkahiwalay ang mga senador at kongresista sa mga aamyendahang probisyon sa Konstitusyon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV