Filtered By: Topstories
News

Estrada pumalag sa panlalait sa mga Pinoy nurse sa New Zealand


MANILA – Nais ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na hingan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng paumanhin ang opisyal ng New Zealand Nursing Council dahil sa panlalait umano sa mga Pinoy nurse. “We should defend our countrymen, especially our OFWs, against this affront," pahayag ni Estrada laban kay New Zealand Nursing Council Director David Wills. Kung hindi umano hihingi ng public apology si Wills sa mga Filipino ay dapat umanong maghain ng matinding protesta ang Pilipinas laban sa opisyal. Iginiit ni Estrada na walang basehan ang ginawang panlalaiit ni Wills sa kwalipikasyon at training programs ng nurse sa Pilipinas batay lamang sa kanyang obserbasyon na lomobo ang nagtatapos na nurse sa Pilipinas mula sa 30,000 noong 2004 na naging 45,000 nitong 2008. Dahil sa pagdududa sa kwalipikasyon ng mga Pinoy nurse, ipinatigil umano sa New Zealand ang pagrehistro ng Filipino nurses. Hindi rin nagustuhan ni Estrada ang patutsada umano ni Wills na, “It is easier to get a fresh graduate from Kenya registered than someone from the Philippines." Una rito, nakatanggap ng letter-complaint si Estrada sa isang Filipino nurse na gumastos na umano ng $8,000 para makapagtrabaho lamang sa New Zealand subalit pagdating doon ay hindi ipinarehistro ng Nursing Council. Dahil dito ay naging overstaying alien ang Pinoy nurse at naghahanap ng ibang trabaho na mapapasukan. Kaagad na inalam ni Estrada kay Philippine Ambassador Bienvenido Tejano ang sitwasyon ng mga Pinoy nurse sa New Zealand. Dito ay nakumpirma ng senador na may 50 overstaying Filipino ngayon sa New Zealand kung saan karamihan ay mga nurse na hindi tinanggap ng Nursing Council na maiparehistro. “Hindi naman ako papayag sa ganyang maling pagturing sa ating mga nurse, with due respect sa mga nurse mula sa Kenya," ayon kay Estrada, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources. - GMANews.TV
LOADING CONTENT