Filtered By: Topstories
News

Pagtaya ni Villar sa P1B gastos sa presidential elections binatikos


MANILA – Nanindigan ang ilang senador na ikinukonsiderang “presidentiables" sa 2010 elections na boto pa rin ng tao ang magdidikta sa susunod na lider ng bansa at hindi sa laki ng pondong gagamitin sa pangangampanya. Nitong Martes ay binatikos nina Sens Francis Escudero at Manuel Roxas si dating Senate President Manny Villar kaugnay sa pahayag nito na P1 bilyon ang kakailanganin ng isang naghahangad na tumakbong presidente sa 2010 elections. “Siguro pagdating ng halalan ang kagandahan bagaman yung pera may tao, yung tao walang pera, pero tao pa rin ang boboto sa dulo at hindi naman yung pera," pahayag ni Escudero na nagsabing hindi mahalaga ang dami ng pera sa halalan. Iginiit ni Escudero na hindi lamang mayayaman katulad ni Villar ang may karapatang tumakbo sa halalan. “Mula’t-mula wala akong ganoong karaming pera para tumakbo sa halalan. Pero gaya nga nang nasabi ko yung tao ang bomuboto hindi ang pera. Ang pagbabayad ng utang na loob, nasa pulitiko na ‘yan at nasa public official basta magagampanan nya ang kanyang tungkulin ng walang pinapaboran at walang kinikilingan," ayon sa senador. Sinabi naman ni Roxas na ang pagtingin sa gastusin sa halalan ay pagpapakita na may ilang pulitiko na pera-pera lamang umano ang pananaw sa halalan. “Ito ay nagpapakita na para sa iba ay pera-pera lamang itong eleksyon. Pero para sa akin, itong eleksyon, itong demokrasya natin ay tungkol sa mga problema ng ating mga kababayan natin na dapat malutas," paliwanag niya. “Ang mga Filipino ay hindi nabibili. Ang Filipino may dangal, at alam ko na ang Filipino ay pipili ng tama sa darating na eleksyon," idinagdag ni Roxas. Tinawag naman ni Sen. Richard Gordon na arogante ang paglalahad ni Villar sa gastusin ng isang kakandidatong pangulo. Ngunit para kay Senate Minority leader Aquilino Pimentel, naging makatotohanan lamang si Villar sa tunay na sitwasyon sa gastusin sa halalan dahil kaya nitong tustusan ang sariling kampanya. Nagpasaring din si Pimentel sa ibang pulitiko na ibinebenta umano ang kaluluwa sa mga may pera upang mapondohan lamang ang kanilang kampanya at ibabalik na lamang pabor sa mga pinagkakautangan kapag nanalo sa halalan. - GMANews.TV