Filtered By: Topstories
News

Modernong dayaan sa 2010 elections pinapangambahan ng senador


MANILA – Nagpahayag ng pangamba nitong Miyerkules si Sen. Francis Escudero na maging kakambal ng poll automation sa 2010 elections ang “automated cheating" dahil kabiguan umano ng Commission on Election (Comelec) na ilahad ang sistemang ipatutupad sa hinihinging P11.3 bilyon pondo sa modernisasyon ng darating na halalan. Sa panayam matapos ang ginawang pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee para sa hinihinging pondo ng Comelec, sinabi ni Escudero na wala siyang nakikitang malinaw na sistemang ipatutupad ng Comelec sa susunod na halalan. Idinagdag niya na kung hindi rin maisasabay ang paglilinis ng Comelec sa listahan ng botante bago magkaroon ng poll automation, mababago lamang umano ang sistema ng dayaan sa eleksyon patungo sa “automated cheating" mula sa dating mano-manong dayaan. “Garbage in, garbage out ang mangyayari kapag hindi natin nilinis ang voters’ list bago tayo mag-automate. Yung patay, yung puno at bato baka makaboto na naman at automated na ang ginawa mo. So from manual cheating baka automated cheating naman tayo," ayon kay Escudero na kabilang sa mga senador at kongresista na dumalo sa pagdinig. Sinabi ng senador na kailangang ilantad ng Comelec ang sistema at disenyo ng makinang bibilhin mula sa hinihinging P11.3 bilyong budget upang mawala ang pagdududa ng publiko na baka manipulahin ang proyekto at maulit ang iskandalo sa Mega Pacific deal na ibinasura ng Supreme Court. “Dapat masagot din ng Comelec na hindi mauulit ang nangyari sa Mega Pacific na hanggang ngayon hindi pa naibabalik ang perang ibinayad ng gobyerno at patuloy tayong gumagastos sa storage fees sa halagang P3 milyon kada buwan para sa 1,300 makina," pahayag nito. Ipinaliwanag ng mambabatas na dapat isiwalat ng Comelec sa mamamayan habang maaga ang term of reference ng proyekto para maipaalam sa publiko kung ano ang sistema at disenyo na gagamitin sa poll automation at masigurong walang mangyayaring dayaan sa pagbibilang ng boto. “Siguro yung transparency mahalaga pagdating doon sa pagbibilang kung saka-sakali pagtransmit ng balota at mga CoC (Certificate of Canvass), yun siguro ang marapat na tingnan natin," pagpapatuloy ni Escudero. “Ang automation nga kumbaga parang basketbol ngayon, bibilangin ng ring kung ilang beses pumapasok yung bola doon pero hindi mo alam kung ilan talaga ang score, malalaman mo na lang kung tapos na ang game dahil kapag pinasok mo ang balota sa loob ng OMR, siya na ang magbibilang ng sarili at ipadadala na lang sa’yo kung ilan ang total, hindi mo makikitang naglalamangan o nagtataasan," paliwanag pa niya. Dahil sa kawalan ng terms of reference, project design at malinaw na desisyon kung anong teknolohiyang gagamitin, sinabi ni Escudero na mistulang blangkong tseke ang P11.3 bilyon na hinihinging budget ng Comelec. Dismayado din ang senador nang hindi masagot ng Comelec ang katanungan sa aspektong teknikal ng automation ng halalan dahil maiiwan umano ang naturang detalye sa mga posibleng bidder sa proyekto. "We asked about additional security measures, they said that was up to the bidder. We asked about transmission, whether it's satellite, or telephone, or WiFi (Wireless Fidelity), it still depends on the contract," pahayag niya. Inamin din sa pagdinig ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na wala pa silang ginagawang time and motion tests sa proseso ng botohan, ngunit tinataya nilang aabot lamang ito ng 3-5 minuto bawat botante. - GMANews.TV