Filtered By: Topstories
News

Pagtaya ni Villar sa gastusin sa 2010 elections hindi raw kasalanan


MANILA – Hindi umano maituturing kasalanan ang ginawang pahayag ni dating Senate President Manny Villar tungkol sa halagang kailangang gastusin ng isang aspiranteng presidente sa 2010 elections. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Miyerkules, sinabi ni House majority leader Rep. Arthur Defensor (Iloilo), na walang masama kung magsabi ng katotohanan si Villar. “I think si Sen. Villar realized the reality of the presidential elections. What is wrong with that when you are trying to be realistic? Baka ‘yung iba nahihiya dahil baka hindi nila kayang maghanap ng P1 bilyon," ayon kay Defensor. “Iyung iba baka pwede naman silang manalo ng hindi na kailangang maghanap ng P1 bilyon. In the case of President Ramon Magsaysay laway lang naman ang kapital niya," idinagdag ng kongresista. Ang pahayag ni Defensor ay reaksyon sa pagtuligsa ng mga itinuturing “presidentiables" na sina Sens Francis “Chiz" Escudero, Manuel “Mar" Roxas, Loren Legarda at Richard Gordon, sa sinabi ni Villar na aabot sa P 1 bilyon ang kailangang gugulin ng tatakbong presidente sa 2010. Para naman kay Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo, sinabi nito na naging totoo lamang si Villar na kaya nitong tustusan ang sariling kampanya at hindi na kailangang umasa sa donasyon ng mga malalaking negosyante na tatanawan niya ng utang na loob kapag nanalo. “Ang sinabi ni Sen. Villar kung kakandidato siya, kaya niyang pondohan ang sarili niya. He doesn’t owe anybody else," paliwanag ni Ocampo. Naunang sinabi ni Senate minority leader Sen Aquilino Pimentel na mas mabuti ang taong may kakayanang pondohan ang sariling kampanya kaysa ibang pulitiko na isinasangla umano ang kaluluwa sa mga nagbibigay ng donasyon tuwing eleksyon. Idinagdag naman ni dating Cavite Rep. Gilbert Remulla, tagapagsalita ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Villar, na batid ng publiko na ang mga pulitikong patuloy na nagkukunwaring walang balak tumakbo sa 2010 elections ang tunay na mga ipokrito. “They are hypocrites. They know that such amount is needed because they have been in the national campaign. The fact that he (Villar) can raise his own campaign funds makes him an independent candidate unlike others who are begging for funding from big businessmen," ayon kay Remulla. Ngunit para kay Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla maliit pa kung tutuusin ang pahayag ni Villar na P1 bilyon ang kailangang malikom ng isang tatakbong presidente sa halalan. “The amount of P1 billion is even very conservative. The amount could be much more and every presidentiable should know that," pahayag ng kongresista. - GMANews.TV