Filtered By: Showbiz
Showbiz

Eraserheads concert on Saturday will be last, Ely says


Handa na raw si Ely Buendia sa nakatakdang “Final Set" reunion concert ng banda niyang Eraserheads sa SM Mall of Asia sa Sabado. Sa Chika Minute ng "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing regular na nagpapa-checkup si Ely upang matiyak na handa ang kanyang katawan sa ikalawang concert ng banda mula nang mabuwag ito noong 2002. Ayaw na umano ng Eraserheads na maulit ang nangyari sa reunion gig nila noong Agosto 2008 na naputol sa kalagitnaan matapos isugod sa ospital si Ely dahil sa sakit sa puso. Sa pagkakataong ito, sinabi ni Ely na hindi mabibitin ang kanilang fans. “Marami, not to spoil the surprise. (We) will be singing all the hits,” ayon sa bokalista. Sumikat ang Eraserheads noong dekada 90’s. Binansagan silang “Beatles ng Pilipinas" dahil binigyan nila ng kakaibang tunog ang Pinoy rock music. Pero kahit nabuwag ang banda noong 2002 ay hindi bumitiw ang kanilang mga fans. “It’s a farewell, kumbaga to the fans, a thank you also to the fans, a celebration of the Erasherheads legacy,” ayon kay Ely. Ito na nga ba ang huling pagkakataon na makikitang magkakasama ang band members ng E-Heads na sina Ely, Raymund Marasigan, Buddy Sabala at Marcus Adoro? “As far as playing together as Eraserheads, this is definitely the last time people will be seeing us together in stage," sabi niya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV