Filtered By: Topstories
News

'The Master Rapper' Francis Magalona pumanaw na sa edad na 44


MANILA – Pumanaw na ang tinaguriang Master Rapper ng Pilipinas na si Francis Magalona nitong Biyernes sa kanyang sakit na leukemia. Si Francis ay 44-anyos. Ipinaalam ng actor/host na si Vic Sotto ang masamang balita tungkol kay Francis sa noontime show na “Eat Bulaga" kung saan dating host din ang pumanaw na masikero. Dahil halos nagsisimula pa lamang ang programa, marami ang nagulat nang biglang magsalita si Vic at ipaalam ang pagpanaw ni Francis. Humingi si Vic nang ilang minutong katahimikan para ipagdasal ang namayapa nilang kasamahan. Sa gitna ng katahimikan, bumuhos ang luha ng mga host ng Eat Bulaga lalo na si Allan K at Ruby Rodriguez na kilalang malapit kay Francis. Noong Abril 2008 nang basahin sa “Eat Bulaga" ang inihandang pahayag ni Francis para magpaalam sa mga tagasubaybay ng programa na tinawag nilang “dabarkads" upang magpagamot sa kanyang sakit. Kasunod nito, ilang ulit sumailalim sa mga operasyon at chemotherapy si Francis sa pag-asang magagamot ang kanyang sakit. Sa panayam ng Philippine Entertainment Portal kay Francis noong Disyembre 2008, sinabi nito na nalampasan niya ang isang delikadong operasyon. "Akala ko kasi magki-Christmas ako sa ospital, e, because I had a very, very, very close brush with death last December 4. I went into septic shock and it was a very scary moment," ayon kay Fancis. Inaasahan din na sasailalim si Francis sa bone marrow transplant. "My doctor said I'm in remission right now after my third chemo cycle. So, my next move would be to do the bone marrow transplant and I'm very happy to announce that I was able to find a match. One of my sisters from the States we have the same tissue typing so she would be my donor," idinagdag niya. Nakilala si Francis hindi lang sa husay sa pag-awit kundi maging sa mensahe ng kanyang mga komposisyon na makabayan. Noong isang taon ay pumanaw din ang batikang aktor na si Rudy Fernandez dahil din sa sakit na kanser. - GMANews.TV