Filtered By: Topstories
News

Kandidatura sa 2010 ihahayag ni Gordon sa Abril


MANILA – Inihayag ni Senador Richard Gordon nitong Miyerkules ang kanyang plano na tumakbong presidente sa 2010 elections at may nasa isip na rin siya ng mga posibleng maging kandidatong senador. "You'd be surprised, I already have a senatorial slate in mind," ayon kay Gordon matapos sagutin ang katanungan tungkol sa kanyang plano sa 2010. Hindi umano prayoridad kay Gordon ang popularidad ng kanyang mga magiging kandidatong senador. Bukod dito, huli niyang iaanunsyo ang kanyang magiging bise presidente. Sinabi ni Gordon na posibleng pormal na ihayag niya ang kanyang kandidatura sa Abril 27 kapag nakuha niya ang suporta ng Bagumbayan Movement na magpupulong sa Manila Hotel. Idinagdag ng senador na simboliko ang oras at lugar na pagdarausan ng pulong ng BM na kinabibilangan umano ng mga negosyante at karaniwang mamamayan. "We will meet on the day that Lapu-lapu repulsed the invader, at the place where (Miguel Lopez de ) Legazpi kicked out Soliman to create a new nation with the courage of Lapu-lapu and the intelligence of Rizal," paliwanag ni Gordon. Dahil walang sapat na pondo para tustusan ang kampanya na tinatayang aabot sa mahigit P1 bilyon, sinabi ni Gordon na bukas siya na makuha ang basbas ni Pangulong Gloria Arroyo, at maging ang suporta ng ibang partido. Sa huli, iginiit niya na ang tao pa rin at hindi malaking pondo ang magpapanalo sa kandidato. “What matters is a person's track record in public service. Did the department or province he was in perform well? What did he do there? Maybe money can win elections for mayoral, gubernatiorial or congressional posts, but I believe that when it comes to the presidency, people use their heads to vote," paliwanag niya. – GMANews.TV