Filtered By: Topstories
News

VP Noli una pa rin sa Pulse Asia survey sa mga ‘presidentiables’


MANILA – Nangunguna pa rin si Vice-President Noli de Castro sa listahan ng mga posibleng maging susunod na presidente sa 2010 elections batay sa isinagawang survey ng Pulse Asia nitong Pebrero 2 -15. Kasabay nito, pormal na inihayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro nitong Miyerkules ang interes na tumakbong pangulo sa 2010 at makuha ang basbas ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para maging pambato ng administrasyon. Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, lumitaw na 22 porsyento ng 1,200 respondents na tinanong kung sino ang kanilang iboboto ang pumili kay De Castro. Sumunod sa kanya sina Sens. Francis Escudero (19 porsyento) at Manny Villar (18 porsyento). Pang-apat naman si dating pangulong Joseph Estrada na may 16 porsyento at 10 porsyento naman ang nakuha ni Sen. Loren Legarda. Nasa ika-anim at ika-pitong pwesto sina Sens. Manuel Roxas II (7 porsyento) at Sen. Panfilo Lacson (5 porsyento). Kumpara sa survey noong Oktubre, tumaas ng apat na puntos sina De Castro at Escudero. Isang puntos naman ang nadagdag kina Villar at Roxas, habang nalagasan ng isang puntos si Estrada. Lumitaw din sa survey na malakas ang hatak ni Escudero sa National Capital Region (NCR) kung saan nakakuha siya ng 29 porsyento na sinundan ni Villar na may 15 porsyento. Sa nalalabing bahagi ng Luzon, kapwa tig-20 porsyento sina Villar at Escudero, na sinundan ng 19 porsyento ni De Castro. Hati naman naman ang Visayas region kina De Castro (28 porsyento), Villar (23 porsyento) at Escudero (22 porsyento). Kasali ako Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni DND Sec. Teodoro na sasali siya sa proseso ng administrasyon sa pagpili ng standard bearer sa 2010 elections. Kung “kiss of death" ang tingin ng oposisyon sa basbas ni Arroyo, sinabi ng kalihim na kakailanganin niya ang suporta ng pangulo at iba pang grupo na makatutulong sa kanyang kampanya. Bagaman kasapi ng Nationalist Peoples’ Coalition (NPC), sinabi ni Teodoro na “on-leave" ang kanyang pagiging miyembro sa partidong itinatag ng kanyang tiyuhin na si dating embahador Eduardo “Danding" Cojuangco, kilalang kaalyado ni Arroyo. Kapwa miyembro ng NPC at naglalaban sa basbas ng partido at ni Cojuangco ang mga kaalyado ng oposisyon na sina Escudero at Legarda. Sinabi ng ilang impormante sa NPC na may tampuhan ngayon sina Cojuangco at Teodoro dahil higit na binibigyan umano ngayon ng atensyon ng dating embahador si Escudero. Nang tanungin si Teodoro tungkol sa kanyang pagiging miyembro ng NPC, sinabi ng kalihim na mas mahalaga sa kanya ngayon ang suporta ni Arroyo. “Ako’y naninilbihan sa Gabinete niya. At patas lamang, o maayos lang na ako’y tumugon muna sa kanya or sumangguni muna sa kanya pagka meron ng proseso. Hindi maganda na dala-dalawa, tatlo-talo amo," ayon kay Teodoro. Inihayag naman nina Executive Sec. Eduardo Ermita at Vice President De Castro na makakalaban ni Teodoro sa nominasyon ng administrasyon, na kwalipikado ang pinuno ng DND na tumakbong presidente ng bansa. "He [Teodoro] is being practical by saying that he will consider running if he is supported by the President and the majority party. I think that's a very legitimate aspiration of an aspirant and so I guess he is doing the right thing," ayon kay Ermita. "He is a very capable person. I might become his PR man, but he is a topnotcher in law in the bar exam... I'll just say it in one word, he has the wherewithal to aspire for higher position," idinagdag niya. Nauna ng itinalaga ni Gng Arroyo si Political adviser Sec Gabriel Claudio na pamunuan ang komite na sasala sa magiging standard bearer ng partido ng administrasyon Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at Kabalikat ng Mamamayang Pilipino (Kampi). Bago naging pinakabatang kalihim ng DND sa edad na 43, siyam na taong nagsilbi si Teodoro bilang kongresista ng Tarlac. - GMANews.TV
LOADING CONTENT