Filtered By: Topstories
News

Bro Mike Velarde tatakbong presidente kapag inindorso ng CBCP


MANILA – Inihayag ng religious leader na si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai na tatakbo siyang pangulo sa 2010 elections kapag inutos ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. “'Pag sinabi sa akin ng mga obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, kapag i-endorse ako ng mga obispo, susunod ako," pahayag ni Velarde sa panayam ng Radio Veritas nitong Huwebes. Sinabi ni Velarde na isa siyang masunuring tagasunod ng Simbahang Katoliko kaya hindi niya bibiguin ang CBCP kung sakaling basbasan siyang tumakbong pangulo sa susunod na halalan. “’Pag sinabi sa akin ng CBCP, ‘ikaw na Brother Mike,’ sasabihin ko, ‘yes sir.’ Kasi masunurin ako, I’m a loyal soldier kasi ng simbahan," idinagdag niya. Sa hiwalay na panayam ng Radio Veritas kay Jaro Archbishop Angel Lagdameo, presidente ng CBCP, sinabi nito na mananatili silang hindi mag-iendorso ng kandidato sa 2010 elections. “As a group, we never endorse (candidates) because it’s a political act," pahayag ng arsobispo na umamin na may ilang pulitiko na lumalapit sa kanila at nagpapakita ng kagandahang-loob para makuha ang kanilang suporta. Ngunit payo ni Lagdameo, hindi ang Simbahan Katoliko ang dapat ligawan ng mga pulitiko kundi ang mamamayan. Idinagdag naman ni Velarde na wala pang napipili ang kanilang samahan na susuportahan sa susunod na halalan. Gayunman, may kuwalipikasyon na si Velarde na hinahanap sa kandidatong bibigyan nila ng basbas sa 2010 elections. “What we need today is a leader who can pull us together in one direction. Sapagkat tayo ay hati-hati kaya hindi tayo maka-angat. So, kailangan natin ng lider na hindi masyadong politicized, isang lider na may direksyon, malapit ang agwat both on the different sides of the political arena, private organizations, ‘yan talaga ang lider, para sa lahat, hindi para sa ilang partido," paliwanag niya. Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, lumilitaw na kung ngayon gagawin ang eleksyon, magiging mahigpit ang labanan sa panguluhan nina Vice President Noli De Castro, Senators Manny Villar at Francis Escudero, at dating Pangulong Joseph Estrada. Nagpahayag din ng interes na tumakbong presidente sina Sens Loren Legarda, Mar Roxas, Richard Gordon at Defense Secretary Gilbert Teodoro at Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando.- GMANews.TV