Filtered By: Showbiz
Showbiz

Iwa Moto admits talking to Francis M during wake


Ikinuwento ni Iwa Moto na kinausap niya ang mga labi ni Francis Magalona nang nakaburol pa ito sa Christ the King sa Quezon City. Bukod sa pagluluksa ng entertainment industry sa pagpanaw ni Francis, nagluluksa rin si Iwa dahil yumao noong Sabado ang kanyang ama na si Hiroaki Iwamoto na matagal ding nakipaglaban sa sakit na liver at bone cancer. Dahil batid ni Iwa na malabo siyang makapunta ng Japan kung saan namatay at ibinurol ang ama, pumunta raw ang aktres sa wake ni Francis upang kausapin ang mga labi nito at magbilin para yumaong ama. Ano kaya ang ibinilin ng seksing aktres sa namayapang Master Rapper ng Pilipinas? “Kinausap ko na lang si Francis na sabi ko, ‘Kuya, ikaw na ang bahala, sabihin mo sa dad ko kung gaano ko siya kamahal at pasensya wala ako sa tabi niya nang nahihirapan siya," kwento ni Iwa sa Chika Minute portion ng "24 Oras" nitong Huwebes. Nalulungkot din daw si Iwa dahil bukod sa hindi niya nasamahan ang ama habang nakaratay, hindi rin nito nasilayan ang mga labi ng ama bago ito na-cremate. “Ang nasa isip ko na lang he’s in good hands and hindi na siya nasasaktan. Sayang lang hindi ko lang nakita yung ibinurol siya, bago man lang sana siya i-cremate ‘di ko man lang nakita," anang dalaga. Nang una ay pilit na pinipigil ni Iwa na pumatak ang kanyang luha sa pumanaw na ama, pero hindi na rin niya naikubli ang nararamdaman nang hingan ng mensahe para sa kanyang tatay na matagal na panahon niyang hindi nakapiling. Sa kabila nito, balak pa rin ni Iwa na magtungo sa Japan at makuha ang abo ng ama para madala sa Pilipinas. - GMANews.TV