Filtered By: Topstories
News

Bagong pahayag ni 'Nicole' susuriin ng Korte Suprema


MANILA – Inutos na ni Chief Justice Reynato Puno sa Korte Suprema na imbestigahan ang bagong sinumpaang salaysay ni “Nicole" kung saan inilahad nito ang pagdududa kung talagang ginahasa siya ng American serviceman na si Lance Corporal Daniel Smith noong 2005. Sinabi ni Jose Midas Marquez, tagapagsalita ng SC, inutos ni Puno na ipa-raffle sa tatlong debisyon ang petisyon na humihiling sa pinakamataas na korte na alamin ang iregularidad sa bagong pahayag ni Nicole. “The court has received the petition. The chief justice has ordered it raffled among the three divisions. If it will be raffled tomorrow, then it will already be included in the court agenda possibly next week," pahayag ni Marquez sa panayam sa telepono ng GMANews.TV nitong Martes. Ang petisyon na kumukuwestiyon sa bagong pahayag ni Nicole ay inihain nitong Martes nina Atty. Evalyn Ursua, dating senador Leticia Ramos-Shahani, at militanteng grupo na Gabriela at Bagong Alyansang Makabayan. Nakasaad sa petisyon ang paghiling sa Supreme Court na: “to conduct an investigation of the questionable circumstances of the execution and notarization of the supposed sworn statement of Nicole…" Nitong Marso 12, isinumite ni Nicole ang limang-pahinang affidavit kung saan ipinahiwatig ng biktima na hindi siya nakatitiyak kung inabuso nga siya ni Smith. Sinabi ni Nicole sa affidavit na posibleng nawala ang kanyang “inhibitions" at naging "intimate" ang pakikitungo kay Smith nang siya ay malasing sa loob ng isang bar sa Subic, Olongapo City noong Nobyembre 1, 2005. "Looking back, I would not have agreed to talk with Smith and dance with him no less than three times if I did enjoy his company or was at least attracted to him since I met him for the very first time on the dance floor of the Neptune Club," ayon kay Nicole. Ngunit tingin ni Ursua, dating abogado ni Nicole, maraming butas at iregularidad sa affidavit ng dati niyang kliyente. Kabilang sa mga pinuna ni Ursua ay: (1) Who procured Nicole's affidavit? (2) Why was it kept secret from her when she was still Nicole's counsel when the affidavit was being prepared? and (3) Who assisted Nicole in making the affidavit? Ayon kay Ursua si Atty. Abraham Rey Acosta, na nagnotaryo sa affidavit ni Nicole noong Marso 12 ay kasama sa law firm na humawak at nagdepensa sa kaso ni Smith na nakabinbin ngayon sa Court of Appeals. Nagawa raw ni Nicole na maihanda ang lahat ng mga dokumento sa loob lamang ng isang araw. Kabilang dito ang kasulatan na nagbabasura sa serbisyo ni Ursua bilang kanyang abogado, at pagpirma sa kasulatan kung saan tinanggap ni Nicole ang P 100,000 danyos na ibinayad sa kanya ni Smith. - GMANews.TV