Filtered By: Topstories
News

Planong pagkandidatong VP sa 2010 polls kinumpirma ni 'Kiko'


MANILA – Kinumpirma ni Senador Francis "Kiko" Pangilinan nitong Martes na ikinukonsidera niyang tumakbong pangalawang pangulo sa May 2010 elections. “Yan ang itinuturing natin na mabuti, interesado tayo, pinag-aaralan natin ng husto," pahayag ni Pangilinan, asawa ng sikat na aktres na si Sharon Cuneta. Bagaman kasapi ng Liberal Party na pinamumunuan ni Sen Mar Roxas, sinabi ni Pangilinan na posibleng tumakbo siyang indepedyente tulad nang ginawa niya nang kumandidatong senador nitong 2007 elections. Nitong Lunes, mistulang inalok ni Nacionalista Party (NP) president Sen. Manny Villar si Pangilinan na maging katambal nito sa 2010 presidential elections. Si Villar at Pangilinan ay magkasama sa tinaguriang “Wednesday group" sa Senado. Miyembro rin nito si Sen. Joker Arroyo, dating senador at ngayon ay Vice President Noli de Castro, at dating senador at ngayon ay economic planning Sec. Ralph Recto. Bukod kay Pangilinan, matunog din bilang mga “vice presidentiables" sina Sens. Ramon “Bong" Revilla Jr., Benigno “Noynoy" Aquino III, at Batangas Gov. Vilma Santos, asawa ni Recto. Ayon kay Pangilinan, pinag-aaralan niya ng mabuti ang pulso ng kanyang tagasuporta kabilang ang magiging desisyon ng kanyang maybahay na si Sharon. Aminado ang senador na malaki ang naitulong sa kanyang kandidatura ng kanyang asawa. Nagbabala si Pangilinan na magsasarili ito kapag tumakbo sa 2010 kapag hindi nagkaisa ang LP na tahakin ang eleksyon na malaya sa anumang pakikipag-alyansa sa ibang partido. “Kasi ang Liberal Party sumama sa Genuine Opposition at hindi ako sumang-ayon sa ganoong pakikipag-alyansa. Hindi rin ako sumasang-ayon na makipag-alyansa sa administrasyon noon," paliwanag niya. - GMANews.TV