Filtered By: Topstories
News

Erap hints at 2010 bid in speech at Mowelfund


Si former President Joseph "Erap" Estrada ang special guest kahapon sa 35th anniversary celebration ng Movie Workers Welfare Foundation o Mowelfund. Naging mainit ang pagtanggap ng mga miyembro at opisyal ng Mowelfund sa founder nito. Sa kanyang speech, pinasalamatan ni Erap ang board of directors ng Mowelfund at ang mga tao na walang-sawa na nagbibigay ng donasyon at tulong. "Taos-pusong pasasalamat sa ating board of directors na ipinagpatuloy itong Movie Workers Welfare Foundation, lalung-lalo na kay Gng. Boots Anson-Roa. Alam ko ang kanyang pagpupunyagi, paghihirap, at paghihingi ng mga donations kung kani-kanino para lamang maitulong sa ating mga manggagawa sa industriya ng pelikulang Pilipino. "Alam nyo, e, pangalawang taon na yata ito. Noong isang taon, e, nandito ako sa 34th anniversary celebration ng Mowelfund. Ngayong 35th na, anim na taon at anim na buwan din tayong hindi nagkita. "Mahaba yung retreat ko sa Veterans Hospital at doon sa Tanay. Medyo malaking-malaking panahon ang nawala sa atin. Ganoon pa man, hindi ako nagsisisi. "Alam n'yo naman na nabansagan ako noong araw, noong mayor ako, na number one citizen ng San Juan. Nang maging presidente ako, naging number one citizen of the Philippines. Noong naaresto ako, number one detainee. Nang masentensiyahan ako, number one convict. Puro number one ako, pero kaya naging number one convict ako, nagkaroon ako ng conviction... "Sa madaling salita, mga minamahal kong kapatid sa industriya ng pelikula ay ito pong Mowelfund ay naitayo, alay sa ating mga kapus-palad na manggagawa sa industriya. "Naalaala ko pa noong mga artista pa kami ni Fernando Poe, Jr, nakikita namin na kaming mga artista ay mga huling dumarating sa shooting. Pero yung mga crew, maagang-maagang darating sa shooting at sila ang huling umuuwi sa kanilang bahay. Sila ay naaarawan, nauulanan pero maliliit ang mga kinikita nila pero yung mga artista, milyun-milyon ang kinikita. "Nadama namin ni FPJ na kapag may namamatayan na crew, sa amin lumalapit. Wala silang SSS, walang benefits kaya kaming dalawa ni FPJ, bubunut-bunot sa aming bulsa bilang tulong. Kaya doon namin naisip na gumawa ng foundation para sa mga manggagawa para sa ganoon, maitulong sa lahat ng mga manggagawa ng industriya ng pelikulang Pilipino, at salamat naman sa ating Panginoon 35 years na ang Mowelfund. "Meron na tayong sariling lupa, may sarili na tayong gusali. Ito ay habampanahon na magiging pag-aari ng ating mga manggagawa sa industriya ng pelikulang Pilipino. "Labis akong nagagalak na ito ay patuloy pa rin at siguro, kung hindi ako naalis sa pagkapangulo, ang ating gusali ay tapos na. Pero ganoon pa man mauunti-unti natin yan. Kahit ako ay pangkaraniwang mamamayan lang. Hindi ako titigil hanggang hindi ako nakakatulong sa ating Mowelfund. "Mahaba na ang sinasabi ko bago mapunta sa kampanya. Sa totoo lamang, wala akong binabalak na tumakbo uli pero baka mapilitan ako. Kasi, alam ninyo, yung aking mahal na ina, e, dalawang taon sa ospital. Halos hindi na makausap, kaya noong ako, e, makalaya mula sa Tanay, dire-diretso ako sa San Juan Medical Center. "Noong pagdating ko, biglang nagmulat ang mata ng aking mahal na ina. Biglang naging conscious at biglang sinabi sa akin na, 'O, Joseph, ano ba ang nangyayari sa 'yo? Hindi mo na tinapos ang pagka-engineer mo, yung kolehiyo mo. 'Tapos hindi mo tinapos yung pagkapresidente mo. Ngayon, hindi mo rin tinapos ang sentensya mo? Mamamatay ako na wala ka pa natatapos?' "Sabi ko sa kanya, 'Ma huwag kang mag-alala. Babalik ako at tatapusin ko ang pagkapresidente ko! "Biro lang 'yon...Joke lang 'yon, ha?" ang natatawang pahayag pa ni Erap. Muling inulit ni Erap ang kanyang madalas sa sabihin noon na kakandidato siya kapag hindi nagkaisa ang oposisyon. "Sabi ko naman, kung di nagkaisa ang oposisyon, ang last option ko, ako ang tatakbo. Siyempre yung mga kalaban, ayaw nilang kumandidato ako kasi alam na nila na mabigat ang laban." - Philippine Entertainment Portal

Tags: election2010