Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rufa Mae reportedly snubs Mo Twister's apology


After a few weeks ay bumalik na si Rufa Mae Quinto sa paghu-host ng showbiz talk show na Showbiz Central kahapon, March 29. Ilang linggo rin kasing nawala ang sexy comedienne sa show dahil sa concert tour niya sa U.S. at show ng Bubble Gang sa Dubai. Nakakuha ng impormasyon ang PEP mula sa isang insider ng Showbiz Central ng ilang eksena sa pagbabalik ni Rufa Mae sa show. Matatandaang magkagalit na naman ngayon ang sexy comedienne at ang co-host niya sa programa na si Mo Twister. Nagsimula ang alitan sa pagitan nina Rufa Mae at Mo nang mag-guest si Dra. Vicki Belo noong February 22, sa segment ni Mo na "Gimme Mo." Nasa U.S. na noon si Rufa Mae kaya wala siya sa show. Tinanong ni Mo si Dra. Belo kung naniniwala siya na may nangyari sa pagitan ni Rufa Mae at ng ex-boyfriend ng cosmetic surgeon na si Dr. Hayden Kho. Sinagot naman ito ni Dra. Belo, na sa pakiramdam niya ay merong nangyari sa dalawa. (Click here to read related story.) Two weeks after, sa March 15 episode ng kalabang programa ng Showbiz Central na The Buzz ay ipinalabas ang taped interview ni Rufa Mae, kung saan isiniwalat niya ang kanyang pagkainis kay Mo. Obviously, hindi nagustuhan ni Rufa Mae ang pagtatanong ni Mo kay Dra. Belo tungkol sa kanila ni Hayden; lalo pa't mainit ang issue ng pagkakadawit ng pangalan ni Rufa Mae sa Vicki-Hayden breakup. (Click here to read related article.) Ayon sa aming source, kahapon sa Studio 6 ng Showbiz Central sa GMA Network Studios ay dumating daw si Rufa Mae na galit pa rin. Ayaw raw nitong makita o makasama sa dressing room si Mo. Bago nagsimulang umere ang show ay nagkaroon daw muna ng meeting ang staff at hosts ng programa; kasama sina Pia Guanio, Raymond Gutierrez, at John "Sweet" Lapus. Ito ay para pag-usapan ang sitwasyon sa pagitan nina Rufa Mae at Mo. Sinabi raw ni Rufa Mae during the meeting na nasaktan siya sa nangyari. Pakiramdam daw niya ay pinagkaisahan siya ng mga tao sa show dahil pinayagan nila si Mo na tanungin si Dra. Belo tungkol sa kanila ni Hayden. Pero sinagot naman siya ni Sweet na pinagsabihan daw nila si Mo na huwag nang banggitin si Rufa Mae sa interview ng DJ-TV host kay Dra. Belo. Pagkatapos daw nito ay nag-sorry raw si Mo kay Rufa Mae. Pero naging matigas daw ang sexy comedienne at hindi nito tinanggap ang apology ni Mo. Dahil sa naging reaction ni Rufa Mae ay sinabi raw ni Mo na magre-resign na lang siya sa Showbiz Central para matapos na ang problema sa kanila. Pero "deadma" lang daw si Rufa Mae, ngunit sinabing hindi na kailangang umabot pa sa ganun. Basta magiging professional na lang daw siya sa trabaho niya. Hindi rin daw nila kailangang mag-usap o magkatabi ni Mo during the show. Samantala, naitanong naman daw ng staff kay Rufa Mae ang tungkol sa pagpapa-interview niya sa The Buzz. May kasunduan daw kasi sila na hindi puwedeng magpa-interview ang sinumang host ng Showbiz Central sa katapat nilang programa. Katwiran naman ni Rufa Mae, hindi raw niya alam na ia-ambush interview siya pagdating niya sa airport mula sa U.S. Hindi rin daw niya alam na mga taga-The Buzz ang nag-interview sa kanya. Sa live show ng Showbiz Central kahapon ay ramdam na ramdam ang tensiyon sa pagitan nina Rufa Mae at Mo. Hindi sila nag-usap o nagtabi, pero panay ang patutsada ni Rufa Mae na sinusuklian na lang ng ngiti at biro ni Mo. Pagkatapos ng programa ay nagkaroon ulit ng meeting, pero umalis na raw sina Pia at Raymond kaya ang natira na lang ay sina Rufa Mae, Mo, at Sweet. Ayon sa aming source ay hindi pa rin nag-usap sina Rufa Mae at Mo kaya hindi pa rin nareresolba ang isyu sa kanila. Next week ay muling mawawala si Rufa Mae sa Showbiz Central dahil isa siya sa mga guest ng Eat Bulaga! sa show nito sa New Jersey. Dating magkasama sina Rufa Mae at Mo sa segment ng Showbiz Central na "Central Jury." Pero nang pumasok ang 2009 ay pinaghiwalay sila at binigyan sila ng kanya-kanyang segment; si Mo sa "Gimme Mo" at si Rufa Mae sa "Gossip Gurl." - Philippine Entertainment Portal