Filtered By: Topstories
News

2010 polls: Villar sa presidente lang; Panlilio balik-pari naman


MANILA – Mas pipiliin ni dating Senate President Manny Villar na bumalik na lamang sa pagiging senador kapag hindi natuloy ang kanyang plano na tumakbong presidente sa 2010 elections. Samantala, mapipilitan umano si Pampanga Gov. Ed Panlilio na tuluyang iwanan ang pagiging pari kapag nagdesisyong tumakbong presidente sa darating na halalan. Bilang tugon sa tanong ng media kung posible ba siyang maging running-mate ng kanyang kaibigan na si Vice President Noli De Castro, sinabi ni Villar na mas nanaisin na lamang niyang bumalik sa pagiging senador. Si De Castro ang nanguna sa pinakabagong survey ng Social Weather Station sa mga “presidentiables" na may 27 percent. Kasunod naman si Villar na may 26 percent at 25 percent si Sen. Loren Legarda. Idinagdag ni Villar na marami pang maaaring mangyari sa alyansa ng mga partido at organisasyon kasunod ng posisiblidad na magsanib ng puwersa sina Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Movement at Bro. Mike Velarde ng El Shaddai. Gusto ng Lakas Inihayag naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, secretary general ng Lakas-CMD na ikinukonsidera ng partido na kuning standard bearer sina Villar at Legarda kahit kaalyado ng oposisyon ang dalawa. Kasama umano sa pinagpipilian ang mga kaalyado ng administrasyon na sina De Castro, at Defense Secretary Gilbert Teodoro at maging si Sen Richard Gordon. “We’re down to three (3), Vice President Noli De Castro, Sec. Gilbert Teodoro tsaka isang dark horse possible diyan sina Sen. Loren Legarda, dating Senate President Manuel Villar or Sen. Richard Gordon. Basta tatlo na lang," paliwanag ni Zubiri. Magkakaroon umano ng emergency meeting ang Lakas sa darating na Linggo upang pag-usapan ang pagpili ng presidential candidate ng partido dahil papalapit na ang halalan. “Last day of filing ay November 30, so, by June 2009 meron na dapat convention ang partido. Latest at least July. Kapag hindi nakapaglabas ng May or June, medyo grabe na," pag-amin niya. Hindi pa rin umano kasama sa pinagpipilian ng Lakas si chairman Bayani Fernando dahil patuloy itong mahina sa survey. “Mahal na mahal po namin si Chairman Bayani, kaya lang hindi siya masyado nagre-rate. We must be practical. Maraming mawawala sa partido kapag hindi winnable ang isang kandidato dahil hindi niya madadala ang mga local leaders ng partido," paliwanag niya. “It’s a game of popularity kaya sana po huwag magalit si Chairman Bayani. Sana po huwag kayong magalit ako po ay nagsasabi lang ng katotohanan. Iyan iyong pinag-meeting-an namin last Sunday," idinagdag ni Zubiri. Balik-Pari Sa GMA News 24 Oras nitong Martes, iniulat na mas gugustuhin umano ni Gov. Panlilio na bumalik sa pagpapari kaysa tumakbong presidente sa 2010 elections. Ngunit nilinaw nito na ang kanyang magiging desisyon sa 2010 ay depende sa magiging kagustuhan ng Diyos. “It should be a decision that is based upon the will of God. If ever I run, I really have to give up my priesthood," ayon sa gobernador. Nauna nang inihayag ni Panlilio na tatakbo siyang pangulo kapag walang lumutang na karapat dapat na kandidato sa 2010 presidential elections. Nilinaw naman ng grupong Ang Kapatian Party na hindi nila susuportahan ang mga kakandidato mula sa sektor ng simbahan o relihiyon. “We cannot accept nominations from people who are priesthood, religious and for that matter pastors," pahayag ni Eric Manalang, presidente ng Ang Kapatiran - GMANews.TV
LOADING CONTENT